Home>News>Nation>ABS-CBN posibleng magbalik sa 2021

ABS-CBN posibleng magbalik sa 2021

NANINIWALA si Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na posibleng magbukas muli sa 2021 ang malawakang operasyon ng TV giant ABS-CBN bilang resulta ng pagpapalit ng liderato sa Kamara de Representantes.

Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, sinabi ni Atienza na posibleng maibalik muli sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.

I am really confident, justice will prevail by next year. Ako, I am just giving the new Speaker time to settle. Hindi naman natin puwedeng biglain, major battle, kauupo lamang niya. But I am not shying away from the responsibility and for the opportunity to come – that I’m working on – para maibalik natin ‘yung floor discussion,” paliwanag ni Atienza.

Matatandaang ibinasura sa pamamagitan ng botong 70 kontra 11 at isang abstention ng House committee on legislative franchises ang aplikasyon para sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunud na rin sa rules ng Kamara.

Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para irenew ang prangkisa ng nito.

Subalit kung pagbabatayan ang House rules, maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin ang dati nang panukala dahil walang pagbabawal sa filing o refiling ng mga bills na hindi naaktuhan ng komite.

Nang tanungin si Atienza kung isa sya sa maghahain ng panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN, positibo ang kanyang naging sagot at sinabing gagawin nya ito pagdating ng panahon.

Matatandaan na nasa 16 mambabatas sa Kamara ang minsang naging sponsor ng iba’t ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN na kinabibilangan nina Reps Sarah Elago, Reps. Sol Aragones, Arlene Brosas, Eufemia Cullamat, Lawrence Fortun, Mark Go, Rufus Rodriguez, Josephine Sato, Micaela Violago, Rosemarie Arenas, France Castro, Ferdinand Gaite, Loren Legarda, Vilma Santos-Recto, Joy Tambunting at Carlos Zarate.

Ang dalawang sponsor na sina Paduano at Kabayan Partylist Rep Ron Salo ay nagwithdraw ng kanilang support kalaunan.

Tiwala ang ilang mga mambabatas na sa pagbabago ng liderato sa Kamara ay magkakaroon ng pag-asa na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.