Home>News>Nation>Ama ginawang sex slave 2 anak!

Ama ginawang sex slave 2 anak!

WALANG makikinabang sa inyo kung hindi ako lang.” Ito ang binitawang pananalita ng 54-anyos na tricycle driver habang ginugulpi ang 20-anyos na dalagang anak makaraang tumanggi na ang biktima sa umano’y paulit-ulit na ginagawang panghahalay sa kanya ng sariling ama sa Malabon City.

Bunga nito’y napilitan nang ipagtapat ng biktimang itinago sa pangalang “Gloria” ang panghahalay ng kanyang ama na itinago niya sa matagal ding panahon sa takot na totohanin ng ama ang banta na may mangyayaring masama sa kanila sa oras na magsumbong siya kaninuman.

Kaagad na humingi ng tulong sa barangay at pulisya ang ina ng dalaga kaya’t nadakip kaagad ang manyakis na suspek kamakalawa na naging dahilan upang maglakas na rin ng loob ang 16-anyos na kapatid ni Gloria na lumutang at magsumbong sa ginagawa ring panghahalay sa kanya ng sariling ama.

Napagalaman na ang pinakahuling insidente ng panghahalay kay Gloria ay noong Biyernes ng umaga. Batay sa ginawang pagsusuri na isinagawa sa kanya ng medico-legal ng Northern Police District (NPD) Crime Laboratory, positibong hinalay ang dalaga na hindi lamang minsang naganap, tulad ng sumbong ng biktima.

Kahapon, araw ng Lunes ay isinalang na rin sa medico-legal examination ang nakababata niyang kapatid na itinago sa pangalang Gemma na umano’y paulit-ulit ding ginagahasa ng ama sa tuwing wala sa bahay ang kanilang ina.

Sa oras na positibong ginahasa batay sa resulta ng isinagawang pagsusuri kay Gemma, isasampa na ng pulisya ang kasong sexual violence at multiple rape laban sa ama ng mga biktima sa piskalya ng Malabon City.

Publication Source :    People's Tonight