Angara: Christmas 13TH month pay tax-free na!

November 14, 2018

SIMULA ngayong taon, alinsunod sa isinasaad ng RA 10963, ang Christmas bonus, 13th month pay at iba pang insentibong hindi lalagpas sa P90,000 na matatanggap ng mga empleyadong mula pribado at pampublikong sektor ay hindi na kakaltasan ng buwis.

Ayon kay Senador Sonny Angara, buung-buo nang maiuuwi ng mga empleyado  ang kanilang bonus sa kani-kanilang pamilya, at tiyak na makadaragdag  ito sa panggastos para sa Kapaskuhan at bagong taon.

Matatandaan na noong 2015, si Angara naman ang unang nagsulong na  ilibre sa buwis ang 13th month pay at iba pang benepisyo na ‘di tataas  sa P82,000.

Mababatid din na bago naisabatas ang RA 10653 tatlong taon na ang  nakararaan, tanging ang mga bonus lamang na di tataas sa P30,000 ang  libre sa buwis.

Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Budget and Management na  matatanggap na ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang 13th month  pay simula ngayong Nobyembre 15, habang ang mga private employees  naman ay tatanggap ng katulad ng benepisyo bago mag-Disyembre 24.

Ayon sa batas, ang 13th month pay ay kailangang katumbas ng  one-twelfth (1/12) ng kabuuang sweldo ng isang empleyado.

Dahil dito, pinaalalahan din ni Angara ang mga employer na pagkalooban  ng 13th month pay ang kani-kanilang rank-and-file employees anuman ang  kanilang nature of employment, basta’t sila ay nakapagtrabaho nang  kahit isang buwan sa loob ng isang taon.

“Hindi lamang mga regular na empleyado ang dapat makakuha ng 13th  month pay. Kahit mga contractual, casual, fixed term, probationary,  seasonal employees ay dapat din makatanggap ayon sa ating Labor Code,”  ayon kay Angara na kilalang kampeon ng labor reforms at nangunguna sa  pagsusulong ng disenteng trabaho para sa bawat Pilipino.