Home>News>Nation>Away sa PBA ‘ending’ nag-ending sa patayan

Away sa PBA ‘ending’ nag-ending sa patayan

NAUWI sa patayan ang pagtatalo ng dalawang magkaibigan tungkol sa ‘ending’ ng PBA basketball sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Naisugod pa sa Novaliches District Hospital ang biktimang si Christopher Obispo, 31, construction worker, subalit idineklara itong dead-on-arrival sanhi ng maraming tinamong malalalim na saksak ng patalim.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang tumakas na suspek na si Lenimark Nacion, alias Mac-Mac, 28, binata, construction worker at naninirahan din sa Bgy. Sta Monica.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6: 15 p.m. (December 6) nang mangyari ang pananaksak sa biktima sa Lidia Street, Aguardiente, Bgy. Sta Monica, Novaliches, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Alvin Quizumbing, nag-iinuman umano ang biktima at ang suspek nang magtalo sa ending ng 2nd quarter ng PBA basketball.

Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay dinampot ng suspek ang kutsilyo na nasa harapan nila at pinagsasaksak ang biktima ng ilang beses saka mabilis na tumakas.

Publication Source :    People's Tonight