Home>News>Nation>Badoy sa Makabayan Bloc: ‘Mga praning’

Badoy sa Makabayan Bloc: ‘Mga praning’

MULING ipinagdiinan ni Presidential Communications Coordination Office (PCOO) Usec Lorraine Marie Badoy na nakahanda siyang magbitiw sa tungkulin sa oras na kondenahin ng mga tinaguriang Makabayan Bloc sa Kongreso ang mga pagpatay at karahasan ng teroristang New People’s Army (NPA) laban sa mga sibilyan at mga indigenous peoples o IP.

Sa panayam, sinabi rin ni Badoy na ang bintang na “red-tagging” sa kaniya at kay National Intelligence Coordinating Agency (NICA) director general Alex Paul Monteagudo ay pawang guni-guni lamang ng mga nag-aakusang grupo kasama na ang Makabayan bloc.

“Una, ‘yang red-tagging ay gawa-gawa lamang nila. Hindi ‘yan nagmula sa kahit sinong opisyal ng gobyerno dito man o sa labas ng bansa. Ginagamit nila ang isyu na ‘yan ng red-tagging para i-bully ang kahit sinong kritiko ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front) para patahimikin sila kagaya ko,” ani Badoy.

“Ito ay kanilang ginagamit para palabasing target sila ng pamahalaan. Sa madaling salita, praning sila!” diin pa ng opisyal.

Ayon kay Badoy, nagkaroon na ng mga desisyon ang Court of Appeals at ang Korte Suprema na nagpapawalang saysay sa red-tagging. Hinalimbawa niya ang desisyon ng 14th Division ng CA nito lamang Hunyo 28 kung saan ibinasura ng korte ang kasong isinampa ng mga makakaliwang grupong Karapatan, Rural Missionaries of the Philippines (RMP), at Gabriela laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan kasama si Badoy.

“There is no evidence of extrajudicial killings, enforced disappearances, arbitrary arrests, malicious prosecutions and defamations. The writs cannot be issued on amorphous and uncertain grounds lest their purpose be undermined by the indiscriminate filing of petitions on the basis of unsubstantiated allegations,” ayon sa nasabing desisyon.

“Verily, the petitioners’ bare allegations are not facts and do not have probative value to justify the issuance of the extraordinary writs. The broad generalizations of alleged threats and violations border on the contemptuous and do not deserve any judicial action,” dagdag pa nito.

“Dadalin ko sa susunod na padinig ang aking resignation letter at pipirmahan ko ito sa harap nila sa oras na kanilang mariing kondenahin ang mga kalapastanganan at karahasan ng NPA bilang patunay na sila ay hindi mga opisyal ng teroristang grupong ito na matagal ng nagpapahirap sa ating bansa. Kapag kanilang kinondena ang NPA sa mga kasalanan nito laban sa mga kabataan at kanilang pamilya na kanilang ni-recruit at nalinlang, sa mga sibilyang pinatay nila gayundin ang mga lider ng ating mga katutubong grupo, at isama pa diyan ang mga pananabotahe nila at panununog ng mga gamit ng mga contruction company, doon ko lalagdaan ang aking resignation letter,” dagdag pa ni Badoy, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-ELCAC)

Ayon naman kay Monteagudo, hindi kathang isip ang koneksiyon ng Makabayan Bloc sa CPP-NPA-NDF at hindi rin “fake news” ang kaniyang mga nai-share na posts sa Facebook laban sa kanila sapagkat ito ay kayang patotohanan ng mga dating kadre, dating NPA, dating matataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF na namulat at ngayo’y tumutulong na sa pamahalaan.

“I see them as artistic expressions of our people similar to the sentiments of former rebels, Indigenous Peoples (IPs), victims and parents who have gained the courage to stand up and reveal the truth about members of the Communist Party of the Philippines (CPP) who are now in Congress, the Makabayan bloc,” diin pa ng NICA chief.

Nauna ng nagpahayag ng pagkadismaya sa Makabayan Bloc si Deputy Speaker at Camarines Sur 2nd district Rep. LRay Villafuerte. Sinabi ni Villafuerte na ginagamit lamang ng grupo ang mga pagdinig ng Kongreso para sa “exposure” at “media mileage.”

“Eto ang tanong ko, ano ba ang gusto nila? Dalawang bagay: to make amendments, to make proposals; or just to be seen by the public?” ani Villafuerte.

Bagamat si Badoy ay Undersecretary ng PCOO, ang kaniyang mga opisyal na pahayag sa NTF-ELCAC ay sang ayon sa mandato nito at hindi ng PCOO.

Publication Source :    People's Tonight