Bagong mukha ng mga laro ng PCSO

October 13, 2019

ANG Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay naglalayun at nagsusulong ng adhikaing makapagbigay ng magandang buhay at makatulong sa mga may karamdaman lalung-lalo na sa mga kapos at hirap sa buhay nating mga kababayan.

Ang nasabing adhikain ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng pondo na malilikom galing sa ibat-ibang laro ng Ahensya tulad ng Ultra Lotto 6/58, Grand Lotto 6/55 Super Lotto 6/49, Mega Lotto 6/45, Lotto 6/42 6Digits, 4Digits, Suertres, EZ2 at Small Town Lottery (STL) Pares, STL 2Digits at STL Swer3.

Noong buwan ng Hulyo, pansamantalang ipinatigil ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang lahat ng laro ng PCSO upang malinis at mapangalagaan ang nasimulang programa lalo na ang mga palaro na siyang pinagkukuhanan ng pondo.

Dahil dito, nagkaroon ng seryosong pag-aaral ang pamunuan ng PCSO upang magkaroon ng paglilinaw sa mga pangalan at logo ng mga kasalukuyang laro dahil sa pagkalito ng mga tumatangkilik ng mga larong STL Swer3 at Suertres lotto.

Napagdesisyunan ng pamunuan ng PCSO na magkakaroon ng pagbabago sa mga gagamiting pangalan at logo sa mga larong Suertres at EZ2 ng PCSO para mas malinaw at mapadali ang pagkilala ng mga manlalaro at tumatangkilik sa mga nasabing laro. At para mahikayat pa ang iba pa nating mga kababayan  na bumili ng mga tiket.

Kaya simula noong ika-1 ng Oktubre 2019, ang dating 6Digit Game ay tatawagin ng 6D Lotto, ang dating Suertres Lotto naman ay 3D Lotto na at ang dating EZ2 Lotto ay 2D Lotto na ngayon. Samantalang, ang dating STL 2 Digits naman ay tatawagin ng STL SWER2 para maisunod sa larong STL SWER3.

Buong puso nagpapasalamat ang buong kawani ng PCSO sa lahat ng tumatangkilik sa produktong laro ng Ahensya.