Home>News>Nation>‘Bansot’ sa PNP, BJMP, BFP, Bucor, oks kay Go

‘Bansot’ sa PNP, BJMP, BFP, Bucor, oks kay Go

Bong Go

Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang ibaba ang minimum height requirement o ang pagpasok ng mga aplikanteng “bansot” sa Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Prevention at sa Bureau of Corrections.

Sa Senate Bill No. 1563 na inihain ni Senator Ronald dela Rosa, layon nitong ibaba ang height requirement sa limang talampakan at dalawang pulgada (5’2″) sa lalaki at limang talampakan (5′) sa babae na nais pumasok sa law enforcement agencies at maging uniformed personnel.

Ang pag-wave sa kinakailangang taas naman para sa mga aplikante na kabilang sa katutubong grupo ay mananatili.

Sa kasalukuyan, ang minimum height requirements sa mag nais magpulis, magbumbero o maging jail guard ay 5’4″ sa lalaki at 5’2″ sa mga babae.

Tuloy ay maraming nadidismaya na gustong pumasok sa serbisyo ngunit nangabigo dahil sa diskriminasyong sila ay mga “bansot” o kapos sa height.

Pinuri ni Sen. Go si Sen. Dela Rosa at ang panukala nito sa pagsasabing makatutulong ito na madagdagan at mapalakas ang law enforcement at firefighting forces o ng iba pang first-responders sa panahong may emergency at kalamidad sa bansa.

“I want to commend the good sponsor for pushing for this measure and I wish to manifest my support and my intention to co-author this bill modifying the minimum height requirement for PNP, BJMP, BFP, and BuCor personnel,” ani Go.

“Malaking tulong rin po ito upang mapalakas at mapatatag ang ating mga kapulisan, bumbero at iba pang first-responders pagdating ng oras ng sakuna,” dagdag niya.

Ayon sa senador, makapagbibigay din ito ng oportunidad sa maraming Filipino citizens para mapagsilbihan ang bansa.

“Marami pong lumalapit sa akin kahit noong hindi pa ako senador. Nagpapatulong para ma-waive o mabawasan ang minimum height requirement sa pagiging pulis at bumbero,” ani Go.
“Marami pong gustong magsilbi sa kapwa tao, kailangan lang po natin silang bigyan ng oportunidad na tumulong at magserbisyo,” dagdag niya.

Sa naganap na interpellation, kinuwestyon ni Go kung bakit hindi pinaboran ng nakaraang administrasyon ang panukala noong 2013 na nagre-repeal sa batas ng height requirement para sa mga aplikante sa PNP, BFP at BJMP.

Sumagot si Sen. Dela Rosa na dating PNP chief at ibinisto ang naging katwiran ng nakaraang administrasyon sa pag-veto sa panukala.

“It is seriously apprehensive of the concerns propounded by the PNP and BJMP in the safety of their personnel in the performance of their duties, as well as public safety in general” as the “nature of their work in guarding detainees or escorting criminals, must possess the necessary physical attributes to perform their functions effectively,” ang veto message ng nakalipas na administrasyon.

Ngunit ayon kay Dela Rosa, nasagot na ang mga nasabing isyu at sa kanyang proposed bill ay hindi niya ito nais na mai-repeal hindi tulad ng nauna.

Ayon naman kay Go, kinikilala niya ang mga law enforcement officer at pinuri niya ang mga ito sa kanilang pagbabagong reputasyon sa mata ng publiko sa pamamagitan ng pagpapanatili ng displina at integridad.

“Makikita niyo ngayon, ang mga pulis, ginagalang at nirerespeto na. Suportado namin kayong lahat ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa abot ng aming makakaya, tutulong kami sa inyo bilang pagkilala sa inyong mga sakripisyo para mapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino,” ani Go.

“Nang umupo ang ating Pangulo sa Malacañang, inatupag niya kaagad na madoble ang sahod ng mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection at iba pang kaugnay na ahensiya,” idinagdag niya.

Kaya naman noon Hulyo ng nakaraang taon ay naghain siya ng Senate Bill 393 o An Act Providing Free Legal Assistance to Any Officer or Enlisted Personnel of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police on Any Charge Before the Prosecutor’s Office, Court or Any Competent Body Arising from an Incident or Incidents Related to the Performance of Official Duty.

Sa kapare ring buwan ay inihian din niya ang SB 204 o ang “Act Strengthening and Modernizing the Bureau of Fire Protection, Providing Funds Therefor, and for Other Purposes” na layong palakasin ang kapabilidad ng BFP para maprotekthan nito ang taongbayan sa mapaminsalang sunog.