Home>News>Nation>Bayanihan 2 funds ipamahagi na

Bayanihan 2 funds ipamahagi na

UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan, partikular sa Department of Budget and Management na i-release na ang pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act, mas kilala bilang Bayanihan 2, para magamit sa pangangailangan ng taumbayan.

Sinabi ng senador na minadali ng legislative branch ang pagpapasa ng nasabing batas para matulungan ang mga Filipino na nangangailangan, maibangon ang ekonomiya at mapalakas ang laban ng bansa sa COVID-19.

Minadali ng Senado na maipasa ito…kaya walang dahilan para maipit ang pondo,” ani Go sa panayam sa kanya matapos pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga jeepney operators at drivers sa Pasay City.

Ani Go, nag-usap na sila ni Budget Secretary Wendel Avisado hinggil sa agad na paglalabas ng pondo at mga alokasyon para magamit sa mga totoong layunin nito.

Aniya, nangako naman si Sec. Avisado na aaksyonan ng DBM at ng mga implementing agencies ang kanyang hiling na mailabas ang pondo sa mga dapat nitong paggamitan.

Ayon kay Sec. Avisado, may marching orders na siya sa DBM na tugunan ang lahat ng budget requests kung kumpleto naman ang isinusumiteng dokumento o requirements ng mga ahensiya.

Wala pong rason na hindi po mai-release ang funds para magamit kaagad ang Bayanihan 2. Halos wala kaming tulugan para maipasa namin sa Senado ito, i-release na po, nandyan na po ang authority,” ani naman ni Go.

Ang Bayanihan 2 measure ay ang COVID-19 recovery fund na nagkakahalagang P165.5 billion.

Ang P140 billion ay inilaan sa regular appropriation habang ang P25.5 billion ay bilang standby funds.

Layon nitong mapondohan ang iba’t ibang programa ng pamahalaan, gaya ng pagsasaayos ng healthcare system, implementasyon ng cash-for-work program, ayuda sa mga industriyang naapektuhan ng pandemya, partikular na ang agriculture sector at pagbili ng COVID-19 vaccines.