Bilyong pondo para sa control program ng MMDA kinuwestiyon ni Revilla

September 04, 2019

KINUWESTIYON ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa hindi umano nagagamit ang bilyong pondo nito sa flood control program sa gitna ng pagdinig sa Public Works ng Senado .

Ayon kay Revilla, nasa report umano ng Commission On Audit (COA) na halos P118 bilyong pondo umano ang iniingatan ng MMDA na hindi umano nagagalaw sa kabila ng mga kinakaharap nating suliranin sa baha.

Kasabay nito ay isinumite ni Revilla ang Senate Resolution No. 69, “A resolution urging the senate committees on public services and finance to conduct an inquiry, in aid of legislation, on the reported underutilization of the budget for flood control projects by the Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Hiningi rin ni Revilla ang panig ng mga dumalong opisyal ng Department of Budget and Management (DBM)  kung ano ang kanilang tayo o plan of action hinggil sa isyu na kinasasangkutan ng MMDA.

Ayon sa resolusyon ni Revilla, ang 2018 Annual Audit Report ng COA ay naglalaman na ang programa ng MMDA ay umabot sa 170 flood control projects na nagkakahalaga ng P878, 570.322.86.

Dahil sa kawalan ng solidong hakbangin sa pagpapatupad ng Government Procurement Law at hindi epektibong pagpaplano ay umabot lamang sa P4,257,138, 089.70 o 59.12 % mula sa  P7,201,019,579.00. ang nagastos.

“Mabuti nga at naobserbahan ng COA na may problema ang MMDA sa paggasta ng kanilang pondo at nagsagawa ng rekomendasyon, kaya dapat maaksiyunan ito”   pagwawakas ni Revilla.