Home>News>Nation>Bong Go: Itatag, task force vs korapsyon

Bong Go: Itatag, task force vs korapsyon

Bong Go

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na irerekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha ng isang inter-agency task force na magsasagawa ng mas malawak at malalim na pagsisiyasat sa mga nakabaon o sistematikong katiwalian sa mga ahensiya ng gobyerno.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag dahil aniya sa patuloy pa ring korapsyon sa ilang ahensiya ng gobyerno, kinabibilangan ng Department of Public Works and Highways, Bureau of Immigration, Bureau of Customs, PhilHealth at maging sa sektor ng agricultura bunsod ng rice smuggling, at iba pa.

Exasperated na po si Pangulong Duterte dahil sa korapsyon sa gobyerno. Para rin po itong pandemya na sumisira sa ating normal na pamumuhay. It is important to remove the ‘bad eggs’ para hindi na makasira pa sa serbisyo ng gobyerno o makahawa pa sa mga ibang kawani ng gobyerno na nais lang magsilbi sa kapwa Pilipino,” paliwanag ni Go.

Ani Go, ang panukala niyang task force ay kahalintulad ng nilikhang task force na nagsiyasat sa PhilHealth.

Gayunman, ang lawak o sakop nito ay sa lahat ng government agencies at kikilos ito hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.

Bilang isang senador, ito ang rekomendasyon ko sa Pangulo — na mag-designate siya ng task force, katulad ng ginawa natin hinggil sa katiwalian sa PhilHealth,” ani Go na nagsabing ito ay suporta sa kampanya ng Pangulo laban sa kurakutan sa gobyerno.

Ayon sa senador, nabanggit na niya ito kay Pangulong Duterte na nauna na ring naglabas ng direktiba na paigtingin ang kampanya laban sa patuloy na katiwalian na sumisira sa burukrasya.

Nagkausap kami ni Pangulo at sabi niya na tuluyan ang mga dapat tuluyan sa kanyang one year and eight months na natitirang panunungkulan,” ani Go.

We will not hesitate to crack down on all forms of corruption, from smuggling in BOC, pastillas scheme sa Immigration, anomalya sa PhilHealth, pangongotong sa DPWH, lahat na!” idiniin ni Go.

Gusto ng Pangulo na mag-iwan ng pagbabago sa bansa lalo na sa kampanya laban sa korapsyon — pagbabagong ramdam dapat ng taumbayan. Gusto niya maalala ng tao na nilabanan niya lahat ng corruption sa gobyerno,” dagdag ng senador.

Matatandaang isiniwalat mismo ni Pangulong Duterte ang patuloy na kurakutan sa DPWH, dahilan upang lumikha si Secretary Mark Villar ng internal special task force na magsisiyasat sa alegasyon.

Pinuri ni Go ang naging hakbang ni Villar pero inirekomenda niya ang pangangailangan ng whole-of-government approach upang maresolba ang isyu.

Matagal na itong corruption sa public works. It has existed for around half a century already. Bata palang ako ay laganap na ‘yan. Kaya kailangan natin magtulungan kung gusto nating maitigil ang kalakarang ito,” paliwanag ni Go.

Lahatin na natin ang pag-imbestiga at dapat totohanin ang pagfile ng kaso. Tuluyan talaga. Siguraduhin ma-audit lahat ng pondo, bawat piso ay hindi dapat masayang. Kapag napatunayang nagkasala, ikulong. Wala dapat tayong palalampasin,” anang senador.

Ayon kay Go, wala dapat maging “sacred cows” sa pagsisiyasat at ang lahat ng opisyal ng gobyerno ay kinakailangang maglinis ng sarili nilang hanay.