Bong Go kay Alejano

March 06, 2019

Di ako utak alimango, nag-iisip ako.

ITO ang matapang na buwelta ni dating Special Assistant to the President Christopher Bong Go sa banat sa kanya kaugnay sa pagkalat ng kanyang mga tarpaulin at iba pang campaign materials.

Sinabi ni Go, siya na mismo ang nakikiusap sa mga tao na huwag nang  gamitin ang kanyang logo at mukha sa mga campaign materials dahil ayaw niyang maraming maiinggit at pupulaan siya.

Ayon kay Go, hindi na mabilang ang pagkakataon na nanawagan siya sa kanyang mga tagasuporta na sumunod sa batas at sa campaign rules kaya naman umapela siyang huwag nang ipakalat ang kanyang campaign materials.
Pabirong sinabi pa ni Go na hindi na siya makakalimutan ng  tao dahil kahit saang kanto na mayroong traffic light ay tiyak na maaalala siya dahil sa “Go” na ibig sabihin ng green light.

Iginiit pa ni Go  na walang ginagamit na government funds sa kanyang kampanya kaya mas mabuting tanungin ang organizers para masagot ang pagkuwestiyon ng kanyang mga kritiko.

“Huwag kayong mag-alala, hindi ako gumagamit ng government funds. Maraming Pilipino na gustong tumulong dahil naniniwala sila sa amin ng Pangulo.”

Binatikos niya ang kanyang mga kritiko na nagpapakalat ng mga “fake news” na ang layon ay hilahin siya pababa.

Tinukoy niya ang malisyosong press statement ni Magdalo Rep. Garry Alejano na binigyan umano ng Department of Interior and Local Government ang barangay officials na lustayin ang pondo ng gobyerno sa paggawa ng campaign materials na may mukha at pangalan ni Go.

Ipinakalat umano ang campaign materials sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National Assembly sa Maynila noong February 25-27.

“Wala po akong idea (about that), tanungin na lang po nila ang organizers. Pakiusap ko po sa lahat na huwag niyo gamitin pangalan ko without my knowledge and consent,” ang pakiusap ni Go.

Ayon kay Go, hindi siya bobo upang gawin ang gayong paglabag sa halalan at hindi rin siya utak alimango gaya ng kanyang mga kritiko.

“Nag-iisip po ako at hindi po tayo bobo,  hindi po alimango ang utak ko,” ang bant ni Go.

Maging si DILG Secretary Eduardo Año ay inupakan si Alejano sa alegasyon nito sa pagsasabing ito ay fake news.
“Thats a big fake news! Liga ng Barangay is an independent activity initiated by the national league officers. They have their own organizers. I just provided the guidelines so that the activity is in accordance with the law,” ani Año.

“I will never allow any irregularity in my department much more spend fund for unauthorized activity. Yung gumawa ng allegations ang hanapan mo ng proof rather than entertaining fake news,” sabi ni Año sa mamamahayag.
 
“I also know Bong Go and he will not allow barangay captains to spend a single centavo for him,” dagdag ng DILG chief.