Bong Go: Mag-ingat sa mga sakit sa tag-ulan

June 30, 2020
Bong Go

DAHIL panahon na ng tag-ulan, pinaalalahanan ni Senate committee on health and demography chairman, Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang publiko na hindi lang coronavirus disease (COVID-19) ang pag-ingatan kundi maging ang mga sakit na dulot nito, partikular na ang dengue.

Bukod sa dengue, tinukoy ni Sen. Go ang mga sakit na diarrhea, leptospirosis at influenza na nagiging laganap kapag tag-ulan.

Upang maiwasan ang outbreak ng mga nasabing sakit, sinabi ng senador na dapat na maging malinis sa katawan, sa tahanan at sa paligid ang bawat isa.

"We should know what to do when there is an increase in number of cases in our areas of residence or in the workplace,” ani Go.

Maging ang mga ospital o health facilities ay dapat na maging handa sa mga nasabing potensyal na sakit lalo't hindi pa tayo nakaaalpas sa COVID-19 crisis.

Ayon sa senador, dapat na sundin ang mga payo ng health department na samantalahin ang ipinatutupad na quarantine protocols upang maglinis ng kapaligiran nang sa gayon ay makaiwas tayo sa iba't ibang sakit.

“Malaki po ang epekto ng malinis na kapaligiran sa pag-iwas natin sa mga sakit. Kaya naman gamitin po sana natin ang pagkakataong ito para panatilihin ang kalinisan ng ating kapaligiran,” ani Go.

"I encouraged Filipinos to clean their surroundings and practice health and safety precautions, not just to protect themselves, but also their loved ones, communities, and the rest of the country, dagdag niya.

Sinabi ng mambabatas na dahil sa karanasan natin sa COVID-19, nakita kung gaano kabilis kumalat ang mga nakahahawang sakit at papaano ito nakaapekto sa pang-araw araw nating pamumuhay.

"May magagawa po tayo para maiwasan ang pagkalat ng mga ito kung magtutulungan tayo,” paliwanag niya.

Muli rin niya ipinaalala sa publiko na huwag kalilimutan ang minimum health standards, gaya ng pagpa-practice ng physical distancing, paggamit ng face masks madalas na paghuhugas ng kamay sa panahon ng pandemya.

"Bagamat may ulat ang DOH ng pagbaba ng kaso ng dengue sa bansa, manatili pa rin tayong maging vigilant sa dengue at iba uri ng sakit lalo na sa panahon ng COVID-19,” sabi ni Go.