Bong Go naghain ng panukala

January 12, 2020
Bong Go
SA kanyang pag-iikot sa mga pampublikong ospital, nasaksihan mismo ni Sen. Bong Go ang kapos na naibibigay na serbisyo sa mga pasyente kung kaya naghain siya ng panukala sa Senado na layong madagdagan ang mga gamit, tauhan at pondo ng DoH-run hospitals para na rin sa kapakanan ng mga pasyente

KAPASIDAD NG DOH-RUN HOSPITALS, PALAWAKIN.

UPANG mabigyan ng mas maayos at dekalidad na serbisyo ang lahat ng Filipino sa buong kapuluan, naghain si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ng panukalang batas na layong lalo pang palawakin ang kapasidad o ang kakayahan ng paglilingkod ng mga pampublikong ospital na akma sa pangangailangan ng taumbayan.

Sa kasalukuyan, nabatid na kapos ang bed capacity maging ang service capability ng 73 DoH-retained hospitals sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1226 o ang panukalang DoH Hospital Bed Capacity and Service Capability Rationalization Act of 2019, nais ni Sen. Go na mapabilis ang proseso sa pagsasaayos o pagpapabuti ng mga pampublikong ospital para sa kapakanan ng mga pasyente.

“Under current regulations, a DoH hospital can only increase its bed capacity and improve its service capability through legislation,” anang senador.  

“Ayusin po natin ang proseso para matulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan magpagamot. Kapag maayos ang kalusugan ng mga Pilipino, mas dadali ang pag-asenso ng bayan,” ani Go na idiniin ang kahalagahan ng kalusugan ng bawat mamamayan upang siya at mas maging produktibo.

Sa SB 1226, inaatasan ang DoH na magbigay sa committee on health ng House of Representatives at sa committee on health and demography ng Senado, ng taunang report ng mga ospital hinggil sa kinakailangang bed capacity at pondo.

Ang report ang gagawing basehan ng Kongreso upang maisama sa popondohan sa ilalim ng General Appropriations Act ang pagsasaayos sa DoH-run hospitals.

Ani Go, inihain niya ang nasabing bill dahil ang Republic Act No. 11223, kilala bilang Universal Health Care Law, ay iniaatas ang “people-oriented approach” sa pagbibigay ng health services sa taongbayan.

Sinabi ni Go na dahil sa kakapusan ng DoH hospitals sa mga kama at tauhan, maraming pasyente  ang natatagalan bago magamot ng mga doktor sa kanilang karamdaman.

Noong 2017, ang Pilipinas ay may 1,161 licensed hospitals, 405 dito ay pag-aari ng gobyerno at ang 73 ang nasa ilalim ng DoH.

Sa kanyang pagbisita sa mga public hospitals, naobserbahan ni Go ang pangangailangan na dapat na talagang maisaayos ang mga nasabing institusyon, kagaya ng kakulangan sa kama, equipment at maging sa pondo.

“Madalas po ako bumisita sa mga ospital kapag nagbubukas kami ng Malasakit Center. Umiikot ako sa mga ward para pakinggan ang hinaing ng mga pasyente at pati na rin mga doktor, nurses at hospital administrators doon. Nakita ko ang kakulangan ng kagamitan at kama,” ani Go.

“Sa paglibot namin sa iba’t-ibang ospital sa bansa, makikita na merong 3 o higit pang pasyente ang nagsasalo sa iisang kama. ‘Yung iba naman napipilitan nang mahiga sa mga corridors. Paano gagaling ang pasyente kung ganyan ang kanilang kalagayan?” dagdag pa niya.