Bong Go nilinaw kaibahan ng Hatid Tulong, Balik Probinsya

June 29, 2020
Bong Go

DAHIL sa nangyayaring kalituhan, nilinaw ni Senator Christopher Lawrence "Bong" Go ang pagkakaiba ng "Hatid Tulong" initiatives at ng "Balik Probinsya, Bagong Pag-asa" (BP2) program ng pamahalaan.

"Ito pong Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, pinirmahan na po ni Pangulong Rodrigo Duterte 'yung EO nito (creating a council) composed of more than seventeen departments. Meron po itong short-term at long-term. 'Yung short-term, papauwiin sa probinsya, bibigyan ng tulong, pangkabuhayan, trabaho," ayon kay Go.

"'Yung long-term naman, paplanuhin ang probinsyang uuwian nila na bibigyan ng insentibo 'yung mga negosyo para doon na mag-invest, para kung may negosyo roon, meron silang trabaho. Ito po 'yung Balik Probinsya," ang paglilinaw ng senador.

Ayon kay Go, ang BP2 program ay suspendido sa kasalukuyan para bigyang daan ang "Hatid Tulong" initiatives na nag-aasiste sa mga stranded overseas Filipino workers at locally stranded individuals (LSIs).

"Sa kasalukuyan, suspendido po ito (BP2). Dahil inatasan ni Pangulong Duterte ang gobyerno na iuwi muna ang mga stranded tulad ng OFWs. Ayaw naman nating mag-mix itong dalawa,” paliwanag niya.

Nilinaw ni Go  na ang BP2 program ay para sa mga taga- Metro Manila na gustong mag-relocate sa kanilang mga probinsya pagkatapos ng krisis.

Nakasaad aniya sa EO 114 na may long-term at whole-of-nation approach ito na ang layunin ay i-decongest ang Metro Manila at mapabilis ang pag-unlad ng iba’t ibang parte ng bansa.

Iba naman ang "Hatid Tulong" initiatives na para sa mga OFWs, LSIs at iba pang apektadong Pilipino na naipit dahil sa community quarantine measures at kailangang matulungang makauwi sa kanilang probinsya.

Ibabalik lamang ng gobyerno ang implementasyon ng BP2 program kapag handa na ang local government units na tanggapin ang mga benepisyaryo nito.

"Babalikan po natin ito kapag pwede nang mag-rollout at maaasikaso na ng LGUs ang lahat (ng nais bumalik)," ani Go.

Iginiit naman ng mambabatas sa executive branch na magsagawa ng masusing rebyu sa implementasyon ng "Hatid Tulong".

"Since Hatid Tulong is a directive from the President, it is important to make sure that proper health and safety protocols are in place in order to avoid the spread of COVID-19. Proper coordination must also be conducted to make sure that receiving LGUs are willing and ready to accept their constituents," ani Go.

Umapela rin siya sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na imbestigahan ang  unauthorized travels at unsanctioned initiatives na ginagawa ng ilang LGUs at grupo na hindi nakasusunod sa health protocols.

"Dapat higpitan dahil delikado makahawa ito. Unahin natin ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kahit niluwagan na ang community quarantine measures sa iilang lugar, higpitan pa rin po natin ang mga patakaran na kaugnay ng pagbyahe patungo sa mga probinsya para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit," ayon sa senador.