Bong Go patuloy na isinusulong maayos na healthcare services

July 09, 2020
Malasakit

74th Malasakit Center binuksan sa Sorsogon:

PATULOY na isinusulong ang maayos na serbiyong pangkalusugan para sa mga Filipino, sinaksihan ni Senator Bong Go ang pagbubukas ng ika-74 Malasakit Center nitong Miyerkoles sa Dr. Fernando B. Duran, Sr. Memorial Hospital (dating Sorsogon Provincial Hospital) sa Sorsogon City, Sorsogon. 

Sa pamamagitan ng video conference, iginiit ni Sen. Go na ipagpapatuloy niya ang kanyang pangako, bilang chairman ng Senate committee on health and demography, na isulong ang maayos na serbisyong pangkalusugan ng mamamayan at mapadali ang access ng bawat isa sa paghingi ng medical at financial assistance.

“Napakaimportante po ng health care lalo na ngayon na may pandemya na dulot ng COVID-19. Kaya patuloy po ang ating trabaho upang mas mapaganda ang healthcare services sa kahit saan mang parte ng bansa at mas matulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng pangpagamot,” ani Go.

“Itong Malasakit Center po ay isang one-stop shop kung saan andun na ang mga ahensya ng gobyerno na may mga programang medical assistance. Pera ninyo po ito, ibinabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong medikal,” dagdag niya.

Ang Malasakit Center sa Sorsogon ay ikatlo sa Bicol Region at pang-36 sa Luzon. Ang Malasakit Center sa Sorsogon ang pangatlo rin na binuksan sa loob lang ng isang linggo, kinabibilangan ng nasa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, Romblon at sa Aurora Memorial Hospital sa Baler, Aurora.

Marami pa, ayon kay Go, na bubuksan sa mga darating na buwan.

Sa kanyang pagsasalita bilang guest speaker, ikinuwento ng senador ang kanyang karanasan sa pasisilbi bilang assistant ni dating Mayor Rodrigo Duterte sa Davao City na siyang ginamit niyang inspirasyon para mabuo ang ideyang Malasakit Center.

Ayon kay Go, maraming mamamayan mula sa mga karatig probinsiya ang nagtutungo sa Davao City Hall para makahingi ng medical assistance.

“Nung mayor po siya ng Davao City, maraming humihingi ng tulong [kay Pangulong Duterte] sa city hall.

Parating sinasabi ng [Commission on Audit] na bawal gamitin ang pondo ng Davao City sa hindi residente,” ang paggunita ni Go.

“Doon ko po nakita ang puso ni Mayor Duterte sa mga kababayan natin. Hawak niya ang bill ng pasyente. Tinapon niya sa akin. ‘Bong, hanapan mo ng paraan ito. Hindi ko matiis na umupo dito sa city hall na hindi matutulungan ang mga kababayan natin dahil para sa akin Pilipino kahit hindi ka taga-Davao’,” aniya.

“Pagkatapos sa city hall, pipipila ‘yan sa [Philippine Charity Sweepstakes Office] sa Martes. Miyerkules pipila yan sa [Department of Health], Huwebes sa [Department of Social Welfare and Development] at Biyernes sa PhilHealth. Ubos ang panahon at pamasahe nila sa kakapila,” kuwento pa niya tungkol sa hirap na dinaranas ng indigent patients para lang makahingi ng tulong medikal at pinansiya.

“Ngayon, dito na lang sila pupunta. Nasa isang kwarto sa ospital mismo, pwede na sila makakuha ng tulong mula gobyerno na kailangan nila pampagamot,” sabi ni Go hinggil sa Malasakit Center.

"Hindi ninyo na po kailangan pumunta pa sa iba’t ibang opisina ng gobyerno para lang humingi ng tulong,” ang masaya niyang pahayag.

Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019 o Republic Act 11463 na naisabatas na noong nakalipas na taon.

Pangunahing layon ng batas na maitayo ang one-stop shop para sa financial at medical assistance sa lahat ng DOH-run hospital sa bansa. Mayroon din nito sa Philippine General Hospital na nasa Taft Avenue sa Maynila.