Bong Go sa 2019 nCoV issue

February 04, 2020
Bong Go

NAGKAKALAT NG FAKE NEWS, I-QUARANTINE.

“YUNG mga panay dada diyan para lang makapagsalita, mga bashers na sumasakay sa sitwasyon para sa pansariling interes, mga taong gusto lang magdulot ng panic at mga nagpapakalat ng fake news, kayo ang dapat i-quarantine para hindi kayo makahawa.”

Ito ang naging buwelta ni Sen. Bong Go sa mga pulitikong sumasakay pero lalo lang nakagugulo pati sa mga nagkakalat ng fake news sa social media ukol sa isyu ngayon ng 2019 novel coronavirus.

“Pakiusap ko po, tumulong na lang tayo. Unahin natin ang kapakanan, kalusugan at interes ng bawat Pilipino. Sa mga panahong tulad ngayon na ikinakakaba natin ang magiging kalagayan ng ating pamilya at mga mahal sa buhay, dapat ay mas lalong magtulungan tayo. Magkaisa at magbayanihan tayo para sa ikabubuti ng bawat Filipino,” ani Go sa kanyang statement bago sinimulan ang pagdinig ng Senate committee on health tungkol sa kung paano nilalabanan ng gobyerno ang kumakalat na virus.

“Gamitin natin ang pagkakataong ito para makinig at makatulong. Hindi naman po basta-basta lang ang pag-decide sa mga ganitong klase ng problema. Kailangang masusi ang pag-aaral at evidence-based po ang ating mga desisyon.”  

“Ito ang rason kung bakit tayo nandito ngayon sa public hearing para maintindihan kung ano ang sakit na ito, alamin ang ginagawa ng ating gobyerno at magrekomenda ng mga polisiya upang mapangalagaan ang kapakanan, interes at kalusugan ng bawat Pilipino,” ayon sa senador.

Nabatid na sa kasalukuyan, nasa 25 bansa na ang may kumpirmadong kaso ng nCoV, kabilang ang Pilipinas na may 2, kapwa Chinese nationals.  

“What can the government do to step up its efforts and ensure that this virus will not spread here in our country? Though it has lower fatality rate compared to previous coronaviruses like SARS and MERS – what are the risks we are facing?”  

“It is important that we understand the problem for us to address it and provide solutions. Nandito ang DoH, WHO, and other health experts to explain this and educate our policymakers and the general public on what exactly we are dealing with,” dagdag ng senador.

Pinaalalahanan niya ang lahat ng nasa national, regional, provincial, city, municipal hanggang sa barangay levels ng gobyerno na gawin ang kanilang tungkulin, responsibilidad at pananagutan para huwag kumalat sa kanila ang virus.

“We ask our agencies to lay down and communicate their plans properly to better inform and educate the general public and the media about the virus and the precautions that we are undertaking to combat it. Sa oras ng krisis, kailangan maintindihan ng tao ang nangyayari at maiwasan ang fake news. Magtulungan tayo para pakalmahin ang mga tao. Huwag na dumagdag sa panic,” aniya.

Kaugnay nito, tiniyak ni Go na ginagawa lahat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat maging, partikular sa pagdedesisyon na ikinokonsidera ang posibleng maging balik nito sa bansa. Lagi aniyang inuuna ng Pangulo, higit sa lahat, ang kapakanan ng bawat Filipino.

“Hindi naman pwedeng biglain na lang... Binabalanse po ng gobyerno, and rest assured po… inuuna parati ni Pangulong Duterte ang kapakanan, interes at kalusugan ng bawat Pilipino,” ani Go.

“Tinitingnan niya ang pangkalahatan. Nasa taas po siya bilang ama, tinitingnan niya po ang kapakanan ng bawat anak niya,” sabi ng senador.  

Idiin niya na ang naging tugon ni Pangulong Duterte sa sitwasyon ay hindi delay sa pagsasabing ang lahat ay ibinase niya sa rekomendasyon ng mga pangunahing opisyal at eksperto sa kalusugan para hindi ito makaapekto sa ating bansa.