Bong Go sa Metro Manila water issue:

December 10, 2019
Bong Go
Si Sen. Bong Go habang naglalahad ng kanyang pagkadismaya at pagkagalit sa kasakiman at pang-aabuso ng dalawang water concessionaires, supplier ng tubig sa Metro Manila.

Concessionaires mga sakim!

BINATIKOS ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa kanyang privilege speech sa sesyon ng Senado ang aniya’y hindi makatarungan at mapagsamantalang mga probinsyon sa kontrata ng dalawang water concessionaires sa pagsu-supply ng tubig sa Metro Manila.

Kasunod ito ng kautusan ng Permanent Court of Arbitration sa Singapore sa gobyerno ng Pilipinas na bayaran ang Manila Water, isa sa pribadong concessionaires, ng P7.39 billion dahil sa patuloy na pagharang ng pamahalaan sa water rate increase na hinihingi ng Manila Water.

Inatasan din ng arbitral tribunal ang gobyerno na bayaran naman ang Maynilad ng P3.4 billion sa kaparehong isyu.

“I strongly believe that such a decision is not only disadvantageous to the Filipino people, it is also wrong,” ang diin ni Go.

“Many provisions in the said agreements are “unfair and unjust to the Filipino people,” dagdag niya.

Ayon sa senador, ang pagkakamal ng dambuhalang kita sa pamamagitan ng hindi parehas na pamamaraan ng water concessionaires ay sobrang pang-aabuso sa mga Filipino.

“Wala na ngang binabayarang Corporate Income Tax ang mga concessionaires na ito dahil pinapasa na sa mga consumers, pagbabayarin pa nila ngayon ang taongbayan at ang gobyerno? Bumaba na nga ang konsumo ng tubig ng publiko, patuloy pa rin ang pag-taas nila ng presyo,” ani Go.

Inakusahan din niya ang Manila Water sa pagkontra sa ilang water improvement projects.

“Manila Water, through its ‘fixers,’ have continuously opposed several water projects that would improve our water systems. Why? So they could build their own water provider and raise prices anytime?,” tanong ng senador.

“Saan naman kayo nakakita ng kumpanya na hindi pa man naisasagawa ang mismong septic tank desludging nito, nangongolekta na sila agad ng ‘environmental charge’ sa kanilang mga consumers para rito. Ano ito: pay now, service never?” dagdag niya.

“Ginigisa nila tayo sa sarili nating mantika,” ang galit na sabi niya.

Nilinaw ni Sen. Go na hindi naman siya tutol sa pagkita ng mga negosyo dahil malaking tulong ang mga ito sa ekonomiya at paglikha ng mga trabaho subalit kanyang idiniin na, “business without conscience is just greed.”

“Inuulit ko po: Ang pagnenegosyo na walang konsensya at puso ay walang pinagkaiba sa kasakiman.”  

“Alam ko naman na malalaking kumpanya na kayo. Marami na rin kayong naging kontribusyon sa Pilipinas. Malaki na rin ang kinita ninyo mula sa mga Pilipino. Panahon naman ngayon para ibalik ninyo sa taumbayan ang mga naiambag nila sa inyong negosyo. Palitan naman ninyo ng mas magandang serbisyo. Tulungan naman po ninyo ang naghihirap nating mga kababayan.”

Kinastigo rin niya ang mga nakaraang opisyal ng pamahalaan na nagpalusot ng kontrata ng dalawang water concessionaires.

“Sinu-sino ba ang mga abogado at opisyal na nakaupo nang pinapa-bid at ginagawa pa ang mga kontratang ito? Bakit pinalusot ninyo at hinayaan na magkaganito? Bukod sa hindi makabayan, hindi pa makatao ang mga kontrata. Wala ba kayong mga puso?”

Dahil dito, hinikayat ni Sen. Go ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na pag-aralan ang posibilidad na putulin na lang ang pagpapalawig ng kontrata sa Maynilad at Manila Water na aniya’y sakim at mapang-abuso sa Filipino.

“I am also want the MWSS to explore the possibility of terminating the extension of the concessionaire agreement. The President might also ask that you do this eventually,” sabi ni Go.

“Hindi natin kailangan ng mga kumpanyang pinagkakakitaan lang ang ating mamamayan,” ayon sa senador.