Home>News>Nation>‘Comm. Jagger’ dapat “magsampol”

‘Comm. Jagger’ dapat “magsampol”

“NAWALA” ang ating “antok” noong Lunes ng gabi matapos muling banggitin ni PDU30 ang Bureau of Customs.

At ang “masaklap” pa, si Pang. Rody na mismo ang nagkumpirma na patuloy na nakapapasok sa bansa ang iligal na droga, bagay na matagal na ring suspetsa ng mga miron, kasama na ang inyong lingkod.
May batayan naman kasi, mga kabayan.

Aber, bakit nga ba hindi masawata ang “pagbaha” ng iligal na droga kung hindi ito patuloy na nakakapasok sa bansa?

Uulitin natin na hangga’t may mga buhay pang mga drug lords na nakakulong na may ‘access’ sa kahit isang ‘cellphone,’ tuloy lang ang transaksyon ng iligal na droga. Sila kasi ang patuloy na ‘contact’ ng mga ‘drug cartel’ hanggang sa ngayon.

At hangga’t may mga korap pa ring mga operatiba sa Bureau of Customs, PDEA, PNP at sa mga LGUs, “uuwing luhaan” sa Davao City si PDU30 pagkatapos ng kanyang termino sa 2022, dahil malinaw na “bigo” siya— bigong-bigo— na malabanan ang salot na ito.

Sa atin pang obserbasyon, matagal nang kontrolado nitong sindikato na tinaguriang ‘El Chapo of Asia,’ ang bulto ng ‘illegal drugs business’ sa ating bansa.

Ayon sa mga ulat, ang isang ‘Chinese-Canadian,’ ang nasa “tuktok” ngayon ng ‘Drug Empire’ sa buong Asya na ang ‘main product’ ay ang “shabu.” Sinasabi pang “kaalyado” na rin niya ang mga ‘drug lord’ sa ‘Tadong Unidos’ at kahit sa Latin America, katulad ng ‘Sinaloa Cartel’ ng Mexico.

Tinatayang aabot din sa US$ 17 bilyon ang ‘annual income’ ng kanyang sindikato at sa halagang ito, sinong opisyales ng kahit kaninong gobyerno ang hindi niya kayang suhulan— o “ipatumba,” aber?
Partikular na dito sa ‘Pinas na mabibilang sa daliri ang mga totoong lingkod-bayan, hindi ba, dear readers?

At bakit natin nasabing andito na sa ‘Pinas ang kanyang operasyon? Dangan kasi, ‘standard packaging’ niya sa kanyang mga produktong shabu na “ibalot” sila sa mga ‘Chinese tea bags.’

Eh, ilan na ba ang mga nakumpiskang shabu ng PDEA at PNP na ganito ang ‘packaging’ aber?

At take note, hindi sa pantalan o kaya sa airport nasabat ang mga ito bagkus, sa kamay na ng mga drug dealers dahil matagumpay na ngang nakalusot sa pagbabantay ng Customs.

Sa mga nakaraang insidente ng mga “nasilat” na shabu smuggling sa pantalan na hinimay ng Senado, nakita natin na sobrang “malikhain” o ‘creative’ ang mga sindikato ng iligal na droga.

Andyan ‘yung itago sa ‘printing cylinders’ noong panahon ni Comm. Nick Faeldon o kaya naman sa ‘metallic magnetic lifter’ noong termino ni Comm. Sid Lapeña.

Sa termino kaya ni Comm. Jagger, ano kayang “gimik” ang ginagawa nila kaya lumulusot pa rin?
Inilalagay kaya sa mga “paleta” na gawa sa aluminyo o kaya ay dinedeklarang ‘tapioca?’ Ano sa tingin ninyo, dear readers?

***

Na may “himig” na ng pagkadismaya si PDU30 kay Comm. Jagger ay napansin na natin noong Lunes, mga kabayan.

Aniya pa, “nanghingi” pa ng mga “baril” si Comm. Jagger para magamit ng mga operatiba ng BOC, pero, hanggang ngayon, wala pa ring “bumubulagta” sa Aduana na sangkot sa iligal na droga, aruyy!

Eh, bigla tuloy nating “naalala” ang sinabi sa atin noon ni ex-CIIS director, Neil Estrella, noong termino ni Comm. Nick.

Aniya pa, “magbantay” lang ako sa mga kaganapan sa pantalan dahil “magtutumba” sila ng mga taong sangkot sa iligal na droga.

Eh, ang nangyari, nalusutan pa rin sila kaya karamihan sa kanila, “nawalis” sa Aduana at ang mga nasa likod ng sindikato, napipiho nating napahagalpak lang ng tawa, hehehe!

Sa ganang atin, dapat nang “seryosohin” ni Comm. Jagger ang muling pagbanggit sa kanya ni PDU30 sa dalawang magkasunod na linggo ng kanyang regular na Cabinet meeting.

Dapat din niyang bigyang-pansin ang “utos” ni PDU30 na ‘mag-reshuffle’ ng mga posisyon sa ahensiya— ngayong linggo, dear readers.

Marahil, ito ang sinasabi ni PDU30 Comm. Jagger na “magsampol” siya— alisin na sa puwesto ang mga korap at sabit sa mga nakaraang anomalya na may kinalaman sa iligal na droga. Hindi ‘yung literal na “pumatay” siya ng tao.

Kung sa bagay, napansin natin na bagaman binigyan ni PDU30 ng ‘full discretion’ si Comm. Jagger na alisin sa kahit anong posisyon ang sino mang “dinatnan” niya sa Aduana nang maging customs commissioner siya noong Oktubre 2018, hindi naman niya ito nagawa.

Ang masakit pa, sa “pahaging ni Mayor Rody, napalibutan pa si Comm. Jagger ngayon ng mga indibidwal na pulos paggawa rin lang ng “pitsa” sa pantalan ang pakay sa kanya.

Translation? Hindi na nga nakapaglunsad ng malawakang balasahan sa BOC si Comm. Jagger, “nagdala” pa siya ng ilang tao na sumisira ngayon sa kanya, aguy!