Home>News>Nation>Consumer group: Local materials itodo sa B3

Consumer group: Local materials itodo sa B3

NANAWAGAN ang isang consumer group sa pamahalaan na itodo ang paggamit ng lokal construction materials sa Build Build Build program nito ngayong panahon ng pandemya, basta’t pasado ang mga ito sa pamantayan.

Ayon kay Vic Dimagiba, pangulo ng Laban Konsyumer, makatutulong ito upang maprotektahan ang hanapbuhay ng maraming Pilipino sa gitna ng epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ekonomiya.

“This should be a priority as long as these local companies are compliant with product standards and labeling plus markings and manufacturers,” sabi ni Dimagiba.

Para sa kaalaman at proteksiyon ng mga mamimili, iginiit ni Dimagiba na dapat maglabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng listahan ng mga lehitimong brand na ibinebenta sa merkado.

Sa bahagi naman ng DTI, suportado ni Sec. Ramon Lopez paggamit ng lokal na construction materials, lalo na ang semento, sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno

Ayon kay Lopez, kailangan lang na pasok sa pamantayan ng ahensiya ang mga lokal na materyales gaya ng semento, bakal at tubo bago ito gamitin.

May panawagan naman sa DTI na bantayan ang pagpasok ng mga peke at depektibong produkto, tulad ng semento, steel bar at lubos na importasyon ng agri products na nakakaapekto sa mga lokal na industriya at trabaho.