Home>News>Nation>COVID-patient ‘nalaglag’ sa ospital

COVID-patient ‘nalaglag’ sa ospital

PATULOY na iniimbestigahan ng pulisya kung nahulog o sadyang tumalon ang isang 57-anyos na COVID-19 patient na naka-confine sa isang ospital sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Ang lalaking biktima ay nakilala ay may asawa, walang trabaho at naninirahan sa Tondo, Manila.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas 5:20 a.m. (February 16), nang matagpuang duguan ang pasyente sa bubungan ng emergency entrance ng Ace Medical Center sa Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Christian D Loyola, nitong February 13, ay dinala ang biktima sa ospital dahil sa COVID-19 at na-confine sa Room 705.

Ayon sa security guard na si Ryan Mirabueanos, abala siya sa kaniyang duty nang makarinig siya ng malakas na kalabog sa bubungan sa emergency entrance ng ospital.

Dahil dito ay agad na inakyat ng guwardiya kasama ang iba pang hospital personnel ang bubungan at doon ay bumungad sa kanila ang duguang nakabulagtang katawan ng COVID patient.

Sinubukan pang isalba ang biktima subalit binawian din ito ng buhay bandang 7:30 a.m., ayon kay Dr. Arn Villagonzalvo Jr.

Publication Source :    People's Tonight