Home>News>Nation>Danao: probe ‘Bikini Open scandal’

Danao: probe ‘Bikini Open scandal’

PINAIIMBESTIGAHAN na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief P/BGen. Vicente Danao ang umano’y ‘Bikini Open’ na naganap sa covention ng respetadong samahan ng JCI Senate Philippines kung saan ang umano’y video nito ay nag-viral sa social media.

Sa nag-viral na video, may mga umano’y nagmodelong mga babae na naka-bikini at walang face mask sa umano’y national convention ng samahan sa Quezon City noong Martes.

Ayon sa source, isinagawa ang pagpupulong para sa eleksyon ng grupo via Zoom platform.

Dito rin idinaos umano ang Bikini Open ng mga babaeng modelo.

Ginanap ang okasyon sa isang gusali malapit sa headquarters ng grupo sa Roces Ave., Diliman, Quezon City.

Ini-upload sa Facebook ng isa sa mga kalahok sa nasabing Bikini contest ang nasabing video at agad itong humakot ng mahigit 10,000 reaksyon mula sa netizen.

Gayunman, burado na ang nasabing video pero may ilan na naka-grab nito at ikinalat sa social media.

Pinalagan din ito ng ilang miyembro JCI Senate Philippines. Dismayado anila sila sa kanilang mga kasamahan na responsable sa pag-iimbita sa mga modelo.

Kilala umano ang kanilang samahan na disente dahil karamihan sa kanilang mga miyembro ay kinikilala at iginagalang sa lipunan.

Nilabab din umano ang sa health protocols ng pamahalaan dahil walang suot na face mask ang mga dumalo rito.

Bunga nito’y inatasan na ni Danao si Quezon City Police District (QCPD) Director Ronnie Montejo na imbestigahan ang insidente.

Sinabi naman ni Montejo na mananagot ang mga nagpasimuno sa okasyon dahil hindi nila inalintana ang panganib ng pagkalat ng COVID-19 sanhi ng pagsuway sa mga health protocols.

Ang pamunuan naman aniya ng JCI Senate Philipplines ang mag-iimbestiga sa kanilang mga miyembro kung dapat silang itiwalag o parusahan kung may nilabag ang mga ito sa kanilang mga patakaran.

Ang JCI Senate Philippines ay nasa ilalim ng JC International na may mahigit 100 miyembro sa buong daigdig. Kabilang sa kanilang mga misyon ang mag-kawanggawa at tumulong sa mga mahihirap.

Publication Source :    People's Tonight