Home>News>Nation>Di parehas na infra funds kinuswestiyon

Di parehas na infra funds kinuswestiyon

INAASAHANG magiging mainit na usapin sa pagbubukas ng sesyon ngayong Lunes ang ginawang pagkuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa hindi umano tamang hatian ng infrastructure budget ng mga kongresista kung saan tinukoy nito ang bilyun-bilyong pisong inilaan sa mga distrito sa Davao, Benguet, Albay at Abra habang ilang milyon lamang sa ibang distrito.

Sa paghimay ng Senado sa panukalang P4.5 trilyong pambansang badyet, sinabi ni Lacson na kitang-kita ang malaking diperensya sa laki ng badyet sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.

Inihalimbawa ni Lacson ang isang distrito sa Davao na mayroong badyet sa infrastructure na aabot sa P15.351 bilyon habang P7.5 bilyon sa Albay, P7.9 bilyon sa Benguet at P3.7 bilyon sa Abra.

This is just to point out the disparity in the distribution of the budget. ‘Yun ang honor roll. Horror roll… I just want to point that out, bakit ganun ang disparity? What’s in those districts that would merit those appropriations?,” pahayag ni Lacson.

The absorptive capacity. Kasi kung sa isang district ‘yan babagsak, I cannot see how that particular engineering district could implement P15.351 billion of infrastructure projects,” giit ni Lacson.

Maging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay naalarma din sa puna ni Lacson sa paghahati-hati ng alokasyon sa 2021 national budget.

Usually kasi sa pinagdaanan kong mga budget, ‘yung mga district, ‘di masyadong nagkakalayo ang amounts ng funding nila, especially sa DPWH (Department of Public Works and Highways). Bago sa akin ito na mayroong ilang district na saksakan ng lalaki ang amount,” paliwanag ni Sotto.

Magugunitang ginamit ang nasabing isyu ng hindi parehas na distribusyon ng infrastructure funds laban sa noon ay Speaker Alan Peter Cayetano ng Taguig City-Pateros ng mga kaalyado ng ngayon ay Speaker Lord Allan Velasco ng Marinduque sa pangunguna ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.

Inakusahan si Cayetano ng hindi pantay na infrastructure allocation sa pambansang badyet at pinaboran umano ang kanyang mga kabarkada.

Magugunitang sa ilalim ng pamumuno ni Velasco naipasa ng Kamara de Representantes ang 2021 pambansang badyet sa ikatlo at huling pagbasa. Hindi pa sumasagot si Velasco sa nasabing akusasyon ni Lacson kaugnay sa hindi parehas na distribusyon ng infrastructure funds.