Home>News>Nation>Estudyante nagpasalamat sa socmed bago nagbigti

Estudyante nagpasalamat sa socmed bago nagbigti

ISANG estudyante ang sinasabing nag-post muna sa kanyang account sa social media at nagpasalamat pa sa kanyang mga kaibigan bago nagbigti noong Linggo ng hapon sa Zone 2 Bgy. Dilan, Pozorrubio, Pangasinan.

Ayon sa mga rumespondeng pulis ang nasawi ay 19 anyos, walang asawa, college student, at residente ng nasabing lugar.

Sa isinagawang imbestigasyon, ang biktima ay pumasok sa kanyang silid hapon ng Sabado at magmula nang araw na iyon ay hindi na nakitang lumabas sa kanyang silid.

Kinabukasan, bandang 3:00 p.m. araw ng Linggo, ang kanyang nakakatandang kapatid ay kumatok sa pinto ng kanyang silid ngunit hindi ito sumagot.

Sa tagal ng pagkatok, kinabahan na ang kapatid ng nasawi at puwersahang binuksan ang pinto. Bumungad sa kanya ang estudyante na nakabitin sa frame ng kisame gamit ang nylon chord na nakapulupot sa leeg nito.

Dinala ng mga nagrespondeng pulisya ang biktima sa Pozorrubio Community Hospital pero idineklara na itong dead on arrival ng tumingin na doktor.

Napag-alaman sa imbestigasyon na nakapag-post pa ang biktima sa kanyang account sa social media na gusto na niyang magpakamatay at nagpaabot pa ng pasasalamat sa mga kaibigan.

At napag-alaman din na ang biktima ay nagtangka na rin magpakamatay sa pamamagitan ng pag-laslas sa kanyang pulso dahil sa academic pressure.

Tanggap naman ng kanyang mga kamag-anak na ang biktima ay nagpakamatay.

Publication Source :    People's Tonight