Home>News>Nation>Ex-justice: Pagpayag sa pagtayo ng cell towers sa military camps di pinag-isipan

Ex-justice: Pagpayag sa pagtayo ng cell towers sa military camps di pinag-isipan

TAHASANG sinabi ni Retired Senior Associate Justice Antonio Carpio na umano’y di pinag-isipan ang payagan ang Dito Telecommunity na magtayo ng cell towers sa loob ng military camps.

Ayon sa dating SC justice, ang hakbang ay parang pagpayag na rin na maglagay ng “listening device” sa nasasakupan ng Filipinas, at idinagdag na ang East Asian giant ay may kakayahan na maglagay ng spy software at applications sa pamamagitan ng towers.

“Just imagine, putting a tower inside of the military camp— and the equipment, all those chips on these towers are made in China, they can just put in spy firmware, the software come from China,” paliwanag pa niya.

Sinabi pa ni Carpio na ang naturang spy applications ay maaari ring magamit sa pag-record ng pag-uusap ng mga tao kahit naka-off ang mobile phones.

“You ask any security analyst who’s familiar with cybersecurity, and they will tell you, absolutely do not allow towers to be installed in your military camps. Because it’s like allowing China to put a listening device in your conference room,” pagbibigay-diin ni Carpio.

Nauna nang kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na lumagda siya sa isang kasunduan na nagpapahintulot sa third telco na magtayo ng cell towers sa loob ng mga kampo ng militar.

Subalit muling lumutang ang security at privacy concerns kasunod ng anunsiyo kung saan tinukoy ng ilang opisyal at mambabatas ang partnership ng Dito sa Beijing-run China Telecom.

Noong nakaraang taon ay pinayagan din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang third telco player na maglagay ng communications equipment sa mga kampo nito, subalit hindi ito natuloy makaraang kuwestiyunin ng ilang mambabatas dahil sa security concerns.