Home>News>Nation>Go: Araling mabuti ligtas, epektibong COVID vaccine

Go: Araling mabuti ligtas, epektibong COVID vaccine

Bong Go

IPINAALALA ni Senate committee on health, Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Science and Technology at mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na dapat ay tiyaking ligtas at epektibo ang bibilhin o kukuhaning bakuna laban sa COVID-19 bago ito ipamahagi sa publiko.

Kailangan siguraduhin muna natin na safe na, so antayin muna natin ang pag-aaral ng health experts at concerned authorities tulad ng Food and Drug Administration at ng DOST. Magkakaroon naman ng clinical trial. Alam ko nagmamadali na ang ating mga kababayan pero dapat unahin natin ang safety,” ani Go sa panayam sa kanya matapos bisitahin ang typhoon victims sa Bato, Catanduanes.

Sinabi ni Go na tinukoy na ni Presidential Adviser on the Peace Process at vaccine czar Carlito Galvez Jr., ang potensyal na bakunang maaaring kuhanin ng pamahalaan pero kinakailangan pa itong idaan sa masusing pag-aaral.

Inabot sa amin ni Secretary Galvez ang mga possible na vaccine natin na pwedeng kunin. Iba’t ibang presyo, iba’t ibang bansa. ‘Yung iba, nasa stage three na. In fact, ang ating Pangulong Rodrigo Duterte gusto na rin magpa-vaccine [dahil] may edad na [siya],” sabi ni Go.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos ianunsyo ng American pharmaceutical company na ang bakunang gawa nito, katuwang ang German partner, ay 90 porsiyentong epektibo base sa trial results.

Ngunit nagbabala si Health Secretary Francisco Duque III na ang effectiveness ng anomang bakuna ay dapat munang i-validate ng DOST at ng mga vaccine expert panel ng bansa bago ipamahagi sa taongbayan.

Hindi tayo pwedeng maniwala basta-basta sa mga claims so kailangan po validation. Kailangan i-validate ng iba’t-ibang eksperto. Sa isang taon pa ang bakuna. Gusto man natin bukas kung kakayanin pero ‘di ganun dahil sinisiguro ng pamahalan na maging ligtas at epektibo ang bakuna. Number one ang kaligtasan. Sinisiguro natin ang kalidad,” ayon kay Duque.

Muli namang tiniyak ni Sen. Go sa publiko na sa national vaccination program ng pamahalaan sakaling available na ang bakuna ay uunahin ang mga mahihirap at vulnerable na pinakanaapektuhan ng pandemya.

Huwag kayo mag-aalala. Uunahin namin [ni Pangulong Duterte] ang mahihirap, vulnerable. Alam ko, hirap na sila pero importante maging safe na muna ang vaccine na ito,” idiniin ni Go.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act, may itinabi na ang pamahalaan na P10 bilyon bilang standby funds para sa testing at pagbili ng COVID-19 vaccines at medication .

Sa inisyal na plano, bibili ang gobyerno ng bakuna para sa 20 milyong Filipino at ang uunahin ay ang mga medical frontliners, kinabibilangan ng barangay health workers at iba pang healthcare workers. Ang senior citizens, low-income households at vulnerable sector ay ipaprayoridad.