Home>News>Nation>Go: Bayanihan 2 funds gamitin nang maayos, walang korapsyon

Go: Bayanihan 2 funds gamitin nang maayos, walang korapsyon

Bong Go
Senator Christopher "Bong" Go

IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga ahensiya ng pamahalaan na tiyaking magagamit nang maayos at hindi mababahiran ng katiwalian ang pondong inilaan ng Republic Act 11494 na kilala rin bilang “Bayanihan to Recover as One Act” matapos itong lagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi rin ni Sen. Go na una sa dapat mabenepisyohan ng nasabing batas ang mahihirap at vulnerable sectors.

“Uulitin ko po ang lagi kong pinapaalala sa ating mga executive agencies: Siguraduhin natin na magagamit ang pera ng bayan nang tama, siguraduhin natin na makararating ang tulong sa pinakanangangailangan at pinakaapektado nating mga kababayan. At siguraduhin natin na walang pinipiling oras ang ating pagtulong at pagserbisyo sa bayan,” ani Go.

“I would like to confirm, gusto ng Presidente na transparent ang Executive and lahat ay accounted sa kung saan nagastos ang pera ng gobyerno,” dagdag niya.

Sa Bayanihan 2 measure ay naglaan ng COVID-19 recovery fund na nagkakahalagang P165.5 billion. Ang P140 billion ay para sa regular appropriation at ang P25.5 billion ay bilang standby funds.

Layon nito na mapondohan ang iba’t ibang programa ng gobyerno, kagaya ng pagsasaayos ng healthcare system, implementasyon ng cash-for-work program, pag-ayuda sa mga industriyang naapektuhan ng pandemya, lalo na sa sektor ng agrikultura, pagbili ng COVID-19 vaccines at iba pang proyekto.

Higit sa lahat, idiniin ni Go na dapat ay corruption-free ang paggamit sa Bayanihan 2 funds kaya ipinatitiyak niya ang mga kinakailangang safeguards ukol dito.

“Sa anumang mga hakbang na gagawin ng gobyerno at pati ng mga ordinaryong mamamayan, palagi nating unahin ang buhay at kapakanan ng kapwa nating Pilipino,” ani Go.

Bilang senador aniya ay sisiguraduhin niya na mananagot ang sinumang gagamit sa perang ito sa hindi tamang paraan.

“As a legislator, parte ng mandato ko ang mag-fiscalize at siguraduhin na nasusunod o naiimplementa ang mga batas. Sa mga kasamahan ko sa gobyerno, kahit magkaalyado tayo, basta may mali, magsasalita po ako,” anang mambabatas.

Sinabi ni Go na kapag dumating ang panahon na mayroon nang bakuna at gamot laban sa COVID-19 ay bibigyan ng prayoridad ang lahat ng Filipinong nangangailangan nito, lalo na ang mga mahihirap.

Kaya nanawagan ang senador sa lahat na manatiling vigilante, nakikipagtulungan sa mga awtoridad at may malasakit sa kapwa para malagpasan ng bansa ang krisis.

“Ang inyong kooperasyon at pagmamalasakit sa kapwa ay makakatulong para mapigilan ang pagkalat ng sakit. Sa inyong sariling paraan, kaya ninyo pong makapagligtas ng buhay ng inyong kapwa,” sabi ni Go.