Go binigyang-pugay sa Senado tagumpay ni Pacman

July 23, 2019

Naghain si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ng resolusyon sa Senado na bumabati at nagbibigay papuri sa naging tagumpay ni Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao laban sa wala pang talo at kapwa nya kampeon sa World Boxing Association (WBA) welterweight na si Keith Thurman noong Linggo sa MGM Grand Garden Arena, Las Vegas, Nevada.

Bukod sa nadungisan ni Pacquioa ang walang talong record ni Thurman ay nakuha rin niya ang WBA “super” welterweight belt nito. Ang Pambansang Kamao naman ang may hawak ng regular WBA welterweight belt.

“His victory is the victory of the whole nation. His life story, hard work and dedication to serve God and the People is an inspiration to all Filipinos,” ani Sen. Go.

“Muli mo na namang naipakita sa buong mundo ang galing ng Pinoy sa larangan ng sports. Maraming salamat sa patuloy na pagbibigay mo ng karangalan sa bansa. Mabuhay ka, Pambansang Kamao!” ang dagdag ni Go.

Sa kanyang Senate Resolution No. 20, sinabi pa ni Go na si Pacquiao ay “continually brought immense pride and joy to all Filipinos through his accomplishments in his professional boxing career.”

“Over the course of his long and decorated career, Senator Manny Pacquiao has managed to accomplish what no other boxer in history has accomplished,” nakasaad pa sa resolusyon na inihain ni Go kahapon.

“He has captured twelve world-titles in eight separate weight divisions, marking an unprecedented ascent up the scales.”  

Ginunita ni Go na nagsimula ang  boxing journey ni Pacman nang magwagi ang Pambansang Kamao mula kay flyweight lineal champion Chachai Sasakul ng Thailand sa 112 pounds hanggang kay Antonio Margarito ng Mexico para masungkit ang super welterweight title sa 154 pounds.

Marami pang mabibigat at sikat na pangalan sa boksing na dinaig si Pacquiao at ang ilan ay nagsipagretiro na pero hanggang sa ngayon, ang Pambansang Kamao ay patuloy na nanagasa sa ibabaw ng ring at nagbibigay ng karangalan sa watawat ng Pilipinas.