Home>News>Nation>Go: Bisyong magserbisyo sa mahihirap, vulnerable sectors tuloy-tuloy

Go: Bisyong magserbisyo sa mahihirap, vulnerable sectors tuloy-tuloy

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na patuloy niyang tutuparin ang naging pangako na pagsisilbihan at aayudahan ang mga mahihirap at vulnerable sectors sa pagsasabing bisyo na niya ang magserbisyo.

Iyung slogan ko dati sa kampanya, paninindigan ko po ‘yon. Twenty-four seven, kahit anong kailangan ninyo, sa abot ng aming makakaya, gagawin namin,” anang senador.

Dumalo si Sen. Go sa pagbubukas ng ika-87 Malasakit Center sa Bagong Cainta Municipal Hospital sa Cainta, Rizal nitong Biyernes.

Ang nasabing Malasakit Center ang pangatlo na sa lalawigan ng Rizal, ang isa ay nasa Antipolo City Hospital System Annex IV-Mambugan at ang isa pa ay nasa Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan.

Ipinaalala ni Go sa hospital staff na maayos na pagsilbihan ang mga pasyente, lalo ang mga mahihirap at vulnerable sectors, gaya ng senior citizens at persons with disabilities, sa pamamagitan ng pagtiyak na mabibigyan sila ng dekalidad na pag-aalaga.

Salamat rin sa inyong tiwala at paniniwala sa ating Pangulo [Rodrigo Duterte]. Huwag kayong mag-alala, hindi kayo bibiguin ni Pangulo. Up to the last day of his term, gagawin niya ang lahat at ako, tutulungan ko po siya sa lahat ng mga hangarin niya para sa ating bansa,” patuloy niya.

Iyung pagbabago na ipinangako niya noon sa inyo laban sa kriminalidad, nararamdaman ninyo naman pag maglakad kayo sa kalye […] pati pulis disiplinado dahil alam nila na ‘pag mayroong scalawag sa kasamahan nila ay yayariin ni Pangulo. So, makikita mo pag nasa taas ‘yung disiplina at ‘yung lider, nirerespeto, sunud-sunod na po ‘yan hanggang sa baba,” sabi niya.

Hinimok din niya ang publiko na maging mapagbantay sa kanilang mga lider o punong-bayan sa pamamagitan ng pagsasalita o pag-uulat ng mga katiwalian sa pamamalakad sa gobyerno.

Kung mayroon kayong reklamo at nakikitang katiwalian sa gobyerno, i-report ninyo po sa PACC. Magtiwala kayo sa gobyerno. Alam ninyo, hindi tayo aasenso kung hindi kayo magre-report. Eh, paano natin huhulihin ‘yung mga corrupt kung hindi ninyo naman isusumbong sa amin ni Pangulong Duterte? Bukas po ang aming tanggapan diyan,” paniniyak ni Go.

Ang Malasakit Center ay one-stop shop na pinagsama sa iisang bubong ang mga national agencies kung saan makahihingi ng tulong ang mga pasyente, gaya ng Department of Health, DSWD, Philippine Health Insurance Corporation at PCSO.

Naalala niya ang kanyang naging karanasan sa paglilingkod sa Davao City, kasama ang noo’y si Mayor Duterte kaya naisip na buksan ang kauna-unahang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City noong February 2018.

Fifteen years ago, ang dami pong lumalapit sa City Hall ng Davao City, may dala pong hospital bill. Lunes palang, hihingi ‘yan ng tulong kay mayor. Martes, pupunta po ‘yan sa PCSO. Miyerkules, pupunta po ‘yan sa DOH at Huwebes, pupunta ‘yan sa PhilHealth, sa DSWD,” aniya.

Ubos ‘yung panahon ng pasyente sa kakapila, ubos ‘yung pamasahe at minsan po, mangungutang pa kung may balanse […] Dumudugo ‘yung puso ko tuwing natatanggihan ‘yung mga pasyente. Kaya noong naging Senador ako, ipinangako ko na gagawin ko itong batas para kahit hindi na po Pangulo si Pangulong Duterte at hindi na po ako Senador, batas na po ito at hindi na po mahihirapan ‘yung mga pasyente natin,” paliwanag pa ng senador.

Kaya noong December 2019, nilagdaan ni President Duterte ang Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 kaya nagkaroon na ng mga Malasakit Center sa Philippine General Hospital at sa lahat ng DOH-run hospital sa buong bansa.