Home>News>Nation>Go: Crackdown sa ‘ghost importers’ iniutos ni PRRD

Go: Crackdown sa ‘ghost importers’ iniutos ni PRRD

Bong GoINIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na hahabulin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng bagong tatag na task force, ang mga “ghost importer” bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa sistematikong katiwalian sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular na sa Bureau of Customs.

Huwag kayong mag-alala, darating din ang Pangulo dyan. Meron na tayong expanded task force na handa mag-imbestiga, mag-prosecute, mag-rekomenda ng suspensions, mag-lifestyle check, mag-audit at ipakulong ang mga mapatunayang nagkasala,” ani Go.

Kung kailangan po ay babasahin ni Pangulong Duterte ang mga pangalan para parusahan at makasuhan po at malaman ng publiko ‘yung kalokohan ninyo,” idinagdag niya.

Ayon sa senador, hawak na ni Pangulong Duterte ang pangalan ng mga sangkot sa korapsyon sa BOC.

Mayroon nang nabanggit ang Pangulo kagabi sino nasuspinde,” aniya.

Tuluy-tuloy po ‘yun, hintayin ninyo lang po, aabot po tayo dyan at aabutan rin kayong mga korap. Kaya sa mga korap sa gobyerno, mag-ingat po kayo dahil hindi po kami titigil ni Pangulong Duterte na labanan ang korapsyon sa gobyerno,” ang babala ng senador sa mga corrupt official.

Kamakailan din ay inirekomenda na ng National Bureau of Investigation ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa BOC officials na sangkot sa mga katiwalian. Sila ay sinasabing sabit sa pagpapalusot ng may anim na ghost importers.

Kaugnay nito, sinabi ni Go na tuloy-tuloy ang pangako ng administrasyon na gawing corruption-free ang serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasaayos ng “ease of doing business” sa bansa.

Alam ninyo ang ibig sabihin po ng Ease of Doing Business — ang layunin nito ay bilisan ang proseso sa paraan na walang korapsyon,” ani Go.

Hindi po ibig sabihin isho-short cut ito at hindi susundin ‘yung nakasaad sa batas. Dahil kapag sino-short cut ninyo at hinaluan ninyo ng kalokohan, that is still corruption,” paliwanag niya.

Nauna rito, sinuportahan ni Go ang panukalang anti-red tape measure na layong bigyan ang Pangulo ng awtorisasyon na gawing simple ang proseso sa burukrasya sa harap ng national emergencies.

“‘Yung three days to one week lang dapat – dapat po ay three days to one week lang po talaga, ‘yun ang gusto niya mangyari. Kasi minsan inaabot ng ilang taon, ilang buwan.

’Yung pinapatulog po ‘yung mga papeles. […] That means there is inefficiency, at best, and corruption, at worst,” ayon sa senador.

Kaya naman binalaan niya ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi sumusunod anti-red tape policy .

Do not test this administration because we will see to it that you will be held accountable. Hihiyain talaga kayo ni Presidente.

At hindi lang po hihiyain, yayariin po namin kayo. Kung paano yayariin, bahala na kayong umintindi,” dagdag niya.