Home>News>Nation>Go: Mahihirap ‘wag ikulelat sa bakuna vs COVID-19

Go: Mahihirap ‘wag ikulelat sa bakuna vs COVID-19

MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang nauna niyang panawagan na huwag ihuli at dapat ay i-prayoridad ang mga mahihirap at tinatawag na “vulnerable” kapag lumabas o nagkaroon na bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Hiniling din ni Sen. Go sa publiko na habang aktibong nakikipagkaisa ang pamahalaan sa kolektibong pagtuklas ng buong mundo sa bakuna para mapigil na ang virus, dapat ay makipagtulungan ang mga Filipino sa ipinatutupad na patakaran ng gobyerno.

“We must keep the enemy at bay until a vaccine arrives. Hindi dapat bumagsak ang ating health care system,” ang sabi ni Go.

“Totoong mahirap ang buhay ngayon, pero pangunahing layunin muna natin ang maitigil ang pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa para mas mapabilis ang pagbalik natin muli sa normal na pamumuhay,” dagdag niya.

Habang inaaral na aniya ng pamahalaan ang alokasyon ng pondo sa paglikha ng bakuna at kalauna’y sa distribusyon nito, sinabi ni Go na tayakin ang availability, affordability at accessibility ng COVID-19 vaccines sa mas nangangailangang mahihirap, lalo sa mga sektor na mabilis na mahawahan.

“Siguraduhin po nating walang mapapabayaan, lalo na ang mga pinakanangangailangan,” idiniin ni Go.

Nabatid na ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ay bumuo na ng Sub-Technical Working Group on Vaccine Development, pamumunuan ng Department of Science and Technology.

Ang TWG ang magpupursige ng potensiyal at paborableng vaccine collaborations sa iba’t ibang bilateral at multilateral partners para sa mabilis na paglikha at pantay na access sa COVID-19 vaccines.

Sa multilateral collaborations, kabilang ang Pilipinas sa Solidarity Trial for Vaccines na pinangungunahan ng World Health Organization. Ito ay pangunahing ipatutupad ng Philippine General Hospital na lalahukan ng mga piling medical facilities sa bansa.

Kasama rin ang Pilipinas sa COVAX facility na pandaigdigang pagtutulungan para mapabilis ang development, production at equitable access sa COVID-19 tests, treatments at vaccines.

Samantala, ang bilateral collaborations na kinabibilangan ng China, Russia, Taiwan, USA, Japan, India at Canada kasama ang ilang vaccine developers ay ikinokonsidera sa local clinical trials o local manufacturing and distribution.

“Kung mayroon nang vaccine para sa COVID-19, sisiguraduhin namin ni Pangulong Rodrigo Duterte na uunahin namin ang mga mahihirap at vulnerable. Itong mga tinatawag na vulnerable, uunahin talaga natin ito dahil sila ‘yung pinaka-nangangailangan. Sila rin ang mga kailangan magtrabaho para mabuhay. Uunahin natin ang mga ito at pati na rin ‘yung walang pambili ng vaccine para makabalik na tayo sa normal na pamumuhay,“ ani Go.

Ayon kay Go, hindi lang pag-adapt sa new normal kundi ang maibalik ang dating normal ang inaasahan ng lahat.

“‘Yung buhay na makalalabas tayo at mayayakap natin ang ating kapwa Pilipino,” aniya.

Inaasaha na 2.065 billion doses ng bakuna pa laman ang maipoprodyus sa buong mundo kada taon, kaya inirekomenda sa Department of Health na tiyaking magkakaroon agad nito ang bansa.

Hiniling naman ng DOST ang medium-term plan ng mga private pharmaceutical companies para mamuhunan sa modular facility, hindi lamang sa pagprodyus ng COVID-19 vaccines kundi maging sa iba pang bakuna na kailangan ng bansa.