Go: Makipagtulungan para ika'y mabuhay at mabuhay ang frontliners

July 06, 2020
Bong Go

MULING nanawagan si Senator Bong Go sa mamamayan na mahigpit na sundin ang health and safety protocols ng pamahalaan upang mailigtas ang sarili, ang buhay ng iba, lalo ang medical frontliners na exposed sa panganib ng coronavirus disease (COVID-19).

Kasabay nito, sinusuportahan ni Sen. Go ang panawagan ng Department of Health na ideklara ang 2020 bilang “Year of Filipino Health Workers”.

Ayon sa senador, ito ay pagkilala sa health workers sa bansa na itinataya ang kanilang buhay sa pamamagitan ng paglaban sa (COVID-19) pandemic.

“I am expressing my full support to the recommendation of the Department of Health urging the proclamation to declare the year 2020 as the Year of Filipino Health Workers,” ani Go.

Sinabi ng senador, chairman committee on health and demography sa Senado na dapat kilalanin ng publiko ang sakripisyo at dedikasyon ng mga health worker na nagsisilbing frontliners sa giyera laban sa virus.

Ani, bigyan natin dapat ng importansiya o pagpapahalaga ang health workforce sa ano pa mang paraan at patuloy na ibigay sa kanila ang kanilang mga pangangailangan para matupad nang maayos ang kanilang tungkulin.

“Habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19, bigyan rin natin ng pansin ang mga pangangailangan ng ating mga medical frontliners upang magampanan ang kanilang tungkulin,” sabi ni Go.

“Higit sa lahat, sumunod tayo sa mga health and safety protocols in place. Huwag po tayo magkumpyansa. Gawin po natin ang parte natin sa laban na ito. Ang kooperasyon natin ay makakapagligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino, lalo na ng mga health workers na itinataya ang kanilang buhay upang mailigtas ang buhay ng iba,” ang iginiit ni Go sa publiko.

Sinabi ng mambabatas na sa panahon ng COVID-19 outbreak sa bansa, ang mga health workers ang nasa gitna ng laban at sila ang mga bayani sa giyerang ito.

Samantala, naglabas ng deklarasyon ang World Health Organization (WHO) na ang kasalukuyang taon ay "International Year of the Nurse and Midwife" para kilalanin ang vital role ng health workers Ayon kay DOH Undersecretary Roger P. Tong-an, ang mga health workers at professionals ang backbone health care system ng bansa.

Batay sa 2018 Philippine Health System Review ng WHO, ang Pilipinas ay may higit 187,540 health workers na bumubuo sa  Philippine work force.

Kaya naman bilang kanyang pagkilala sa kapakanan ng health workers, isinulong ni Sen. Go ang ilang inisyatiba upang maisaayos ang kanilang pamumuhay.

“As chairman of the committee on health, I commend this chamber for approving the additional P7 billion for the Human Resources for Health Deployment Program. This is to ensure the continued employment of our health workers in geographically isolated and disadvantaged areas and economically disadvantaged municipalities. Wala pong mawawalan ng trabaho, tuloy-tuloy po ang serbisyo,” ani Go.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 395, kilala rin bilang "Advanced Nursing Education Act of 2019" na layong maprotetahan at mapabuti ang nursing profession.

“Maraming mga nurses ang kailangan pa pumunta sa ibang bansa para mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya. Bigyan natin sila ng kaukulang suporta at tamang kompensasyon upang mas maenganyo silang magtrabaho sa sariling bayan,” paliwanag ni Go.