Home>News>Nation>Go: Malasakit sa kapwa, pangontra sa COVID-19

Go: Malasakit sa kapwa, pangontra sa COVID-19

Bong Go

MALASAKKT, awa sa kapwa at pakikipagtulungan sa gobyerno ang tanging mabisang pangontra sa coronavirus disease (COVID-19), ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go.

Matapos ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ‘Talk to the People’ address nitong Lunes ng gabi, umapela naman si Sen. Go sa lahat ng Filipino na manatiling vigilante at nakikipagtulungan sa pamahalaan para malagpasan ng bansa ang kasalukuyang krisis.

“Let us work together to keep the enemy at bay until there is a vaccine available. Totoong mahirap ang buhay ngayon, pero pangunahing layunin muna natin ang maitigil ang pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa para mas mapabilis ang pagbalik natin muli sa normal na pamumuhay,” ang apela ni Go.

“Ang ating pagiging mga responsableng mamamayan na nagmamalasakit sa kapwa at nakikisama sa bayanihan ay ang susi sa ating mabilis na pag-ahon sa krisis. Magtulungan tayo para hindi bumagsak ang ating healthcare system habang binabalanse natin na pasiglahin muli ang ating ekonomiya,” dagdag ng senador.

Ipinaalala ni Go sa publiko na ang kooperasyon ng bawat isa ang tanging susi sa tagumpay upang maalpasan natin ang krisis.

“Lagi natin pong alalahanin na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya. Hindi rin kakayanin ng ating mga medical frontliners kung patuloy na dadami ang kailangang dalhin sa mga ospital. Preventing the spread of COVID-19 starts with us by being responsible citizens and following health and safety protocols,” paliwanag ni Go.

Ginawa ni Go ang nasabing paalala ngayong pinapayagan na ang pagbubukas ng ilang industriya gaya ng gyms, tutorial centers, grooming centers, internet cafes, drive-in cinemas at iba pa sa ilalim ng general community quarantine guidelines sa maraming panig ng bansa, partikular sa Metro Manila.

Ngunit sinabi ni Go na kailangang mapanatiling malakas ang ating health care system habang naghahanda sa availability ng bakuna laban sa COVID-19.

Aniya, marami nang health facilities ang “overburdened” at habang nagsisikap ang gobyerno na matugunan ang pangangailangan ng lahat ng Filipino, ang lahat ay dapat na nakikipagtulungan sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit sa kapwa.

“Ang inyong kooperasyon at pagmamalasakit sa kapwa ay makatutulong para mapigilan ang pagkalat ng sakit. Sa inyong sariling paraan, kaya ninyo pong makapagligtas ng buhay ng inyong kapwa,” ani Go.

“Let us remain vigilant. Sunod lang po sa mga patakaran. Ugaliing magsuot ng mask, observe social distancing at kung hindi naman kailangan lumabas ay manatili na lang sa bahay upang maiwasan ang hawaan ng sakit,” dagdag ng senador.

“Tuluy-tuloy ang buhay ng mga tao. Marami ang may kailangan ng kabuhayan at trabaho. Ito ang rason kung bakit unti-unting pinapayagang buksan ang mga negosyo pero kailangan pa ring magawa ito sa ligtas na paraan upang hindi ito magdulot ng panibagong pagtaas ng kaso ng COVID-19,” paliwanag pa niya.