Home>News>Nation>Go: Paglaban sa pandemya ‘wag haluan ng pulitika

Go: Paglaban sa pandemya ‘wag haluan ng pulitika

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kasama sa Senado at sa gobyerno na isantabi ang pulitika sa ginagawang paglaban ng pamahalaan para malagpasan ng sambayanang Filipino ang COVID-19 pandemic.

Bagama’t nauunawaaan niya ang papel ng oposisyon, sinabi ni Go na hindi sila tumitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtupad sa kanilang trabaho at mandato na pagsilbihan ang mga Filipino sa abot ng kanilang makakaya hanggang sa huling araw ng kanilang termino.

“Sa mga kababayan ko, sana po magtulungan po tayo. Sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo lang po. Kung mag-aaway-away pa po tayo, wala pong mangyayari sa atin,” aniya.

“Huwag na muna nating haluan ng pulitika ang pandemya dahil wala na tayong pag-uusapang pulitika ‘pag ‘di natin nalagpasan ang krisis na ito, magtulungan muna tayo,” dagdag ng senador.

Sa live online interview ng Daily Tribune, sinabi ni Go na sobrang nirerespeto niya ang mga kapwa senador, anoman ang kanilang politikal na kinaaaniban, dahil na rin sa kanilang mas matagal na karanasan sa pagsisilbi sa bayan at sa lehislatura.

Itinututing ni Go ang sarili bilang neophyte o bagito pa lamang sa political arena.

“In fairness, sa lahat ng opposition senators, kina Sir Frank Drilon, respetado po ‘yan. Sabi ko nga 22 years na siya, ako neophyte pa lang, marami kaming matutunan sa kanya… Even Sen. Kiko and Sen. Risa, marami kami matutunan (sa kanila), nirerespeto ko po mga yan,” ayon kay Go.

Kaya naman hiniling ni Go sa lahat ng public servants, kabilang man sa administration o opposition, na isantabi ang kanilang pagkakaiba-iba ng paniniwala at tulungan na lamang ang pamahalaan at taongbayan sa kasalukuyang laban ng bansa sa pandemya.

“Hinihikayat ko lahat, kung para sa kapakanan ng bansa, ‘wag na lang tayo mag-away-away pa. Kaisa n‘yo kami para sa ating mga kababayan,” ang apela niya.

Tiniyak ni Go na patuloy si Pangulong Duterte sa paglaban sa corruption, illegal drugs at kriminalidad para payapang mamuhay ang bawat Filipino.

Pinasalamatan niya ang mga patuloy na sumusuporta sa kanya at kay Pangulong Duterte kasabay ng paniniguro na gagawin nila ang lahat para sa bayan.

“Salamat po sa tiwala kay Pangulong Duterte, asahan n’yo po sa abot ng aming makakaya, magseserbisyo kami sa inyo. Salamat po at ingat po kayo, mahal namin kayo,” sabi pa ni Go.