Home>News>Nation>Go pinuri pamamahagi  ng lupa ng DAR

Go pinuri pamamahagi  ng lupa ng DAR

IPINANGAKO ni Senator Christopher “Bong” Go na patuloy na uunahain ng Duterte administration ang kapakanan ng mga ordinaryong Filipino, partikular ng mga mahihirap at vulnerable sectors, sa pamamagitan ng pantay na pamamahagi ng likas na yaman at mga oportunidad tungo sa masaganang pamumuhay.

“Patuloy po nating isusulong ang inyong kapakanan at mga karapatan. Palagi pong uunahin ni Pangulong Duterte ang mga mahihirap para po matulungan kayong makaahon at mabigyan kayo ng mas magandang kinabukasan, saan mang parte kayo ng bansa,” ayon kay Sen. Go.

Binati ni Go ang mga naging benepisyaryo ng DAR mula sa munisipalidad ng Arakan at President Roxas matapos makatanggap ng Certificates of Land Ownership Award sa isang awarding event na pinangunahan ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones, sa Arakan, North Cotabato.

“Alam ng gobyerno ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa pagpapalakas sa ating bansa kaya naman makakaasa kayo na patuloy na ipaglalaban namin ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng gobyerno ang inyong mga karapatan upang malaya ninyong…payamanin ang lupaing inyong sinasaka,” ang sabi ni Go sa kanyang video message sa mga magsasaka.

Umaabot sa 4,500 ektaryang lupa na dating pag-aari ng University of Southern Mindanao at Cotabato Foundation College of Science and Technology ang ipinamahagi sa may 3,035 benepisyaryo.

“Suportahan po natin ang ating mga magsasaka at mangingisda. Tulungan natin silang malampasan ang paghihirap na dulot ng pandemya dahil ang sektor na ito ang bubuhay sa ating bansa pagkatapos ng krisis na ito,” ani Go.

Sinabi ng senador na pantay-pantay ang mga Filipino sa karapatan na magkaroon ng sariling lupa, mahirap o mayaman, kaya dapat lang aniya na ibigay sa kanila ang mga ito.

Ipinayo ng senador sa mga magsasaka na gamitin nang epektibo ang mga nasabing lupa para na rin sa kanilang kabuhayan at maging bahagi sila ng pagbibigay ng seguridad sa pagkain ng bansa.

Nangako siya na magpapatuloy sila ni Pangulong Duterte sa pagsusulong ng karapatan sa pag-aaring lupain ng mga magsasaka.

“Sa araw na ito, kayo po ang official na may-ari ng mga lupang inyong sinasaka. Sana po gamitin ninyo ang mga lupaing ito para mapabuti ang inyong pamumuhay at makaambag sa inaasam nating food security sa bansa,” said Go.

Pinuri rin ni Go ang pagsisikap ng Department of Agrarian Reform – Regional Office 12 sa matagumpay na pamamahagi ng agricultural lands at unused government-owned lands sa ilalim ng hurisdiksyon nito na iminamando ng Presidential Proclamation No. 428, Series of 1957.

“I would like to thank the Department of Agrarian Reform, most especially DAR Region 12, under the leadership of Regional Director Marion Abella, and its Cotabato Provincial Office for fulfilling its mandate to distribute agricultural lands to our kababayan,” ayon sa senador.

Matatandaang umapela si Go sa pamahalaan na tulungan ang kalagayan ng mga magsasaka at nasa agricultural sector na apektado ng COVID-19 crisis.

“Lalo na sa panahon ngayon na apektado ng krisis ang ating ekonomiya, ‘back to basics’ po tayo. Nakita natin ngayon kung gaano kahalaga ang agrikultura sa ating bansa at sa ating kabuhayan. Mabilis pong maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin natin ang sektor ng agrikultura sa ating mga probinsya,” sabi ni Go.