Home>News>Nation>Go: Risk, hazard pay ng health workers, frontliners dagdagan

Go: Risk, hazard pay ng health workers, frontliners dagdagan

MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang panawagan na bigyan ng Special Risk Allowance (SRA) ang kapwa private at public health workers at Active Hazard Duty Pay (AHDP) ang frontline Human Resources for Health (HRH) dahil sa kanilang patuloy na pagtatrabaho sa mga ospital at iba pang health facilities sa kabila ng patuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Go, dapat na pinoprotektahan ng gobyerno ang kapakanan ng medical frontliners na nagbibigay ng kritikal at kagyat na serbisyo sa pamamagitan ng pagtataya ng kanilang buhay sa harap ng pandemya.

Nararapat lamang na mabigyan sila ng dagdag na tulong pinansyal bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo. Kailanman ay hindi sila pababayaan ng gobyerno,” ani Go.

Ang ating mga medical frontliners ay ang mga sundalo sa gyerang ito. Sila ang tinuturing nating bayani sa laban kontra COVID-19,” dagdag ng senador.

Ani Go, ang probisyon ng SRA at AHDP ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11494 o “Bayanihan to Recover as One Act“.

Sa ilalim ng batas, dapat na bigyan ng pamahalaan ng SRA ang public at private health workers na direktang nagseserbisyo sa COVID-19 patients, habang AHDP naman sa lahat ng HRH na nagsisilbi sa frontlines.

Nasa Bayanihan 2 po ito. Pinaghirapan nating maipasa ang batas na iyan, kung kaya dapat siguraduhin na maibigay ang dapat maibigay at maimplementa ang nilalaman ng batas na naglalayong pabilisin ang ating response and recovery efforts laban sa pandemya,” idiniin ni Go.

Bigyan natin ng pansin ang mga kapakanan ng ating frontliners – mga health workers, doctors at nurses. Pakinggan at tulungan natin sila dahil sila ang mga sundalong araw-araw na humaharap sa kalabang hindi naman nakikita at inilalagay ang buhay sa panganib upang magtagumpay ang ating bansa sa hamon na dala ng COVID-19,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na dapat na gamitin ang pondo para mabigyan ng proteksyon at alaga ang health workers, doctors, nurses at iba pang frontliners na itinataya ang sariling kaligtasan para makapaligtas ng maraming buhay laban sa COVID-19.