Go sa DOE, ERC, Meralco:Tiyakin parehas na singil sa koryente

June 27, 2020
Bong Go

UMAKSYON na si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go at hiniling sa Department of Energy, Energy Regulatory Commission maging sa iba pang kinauukulang ahensiya na imbestigahan ang mga reklamo kaugnay ng tinaguriang "bill shock" ng power distribution utilities, partikular ng Manila Electric Co. (Meralco).

“Dapat pangalagaan ang interes at kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino lalo na ngayon na hirap na hirap na ang mga tao dahil sa krisis na dulot ng COVID-19,” ayon kay Go.

Hiniling din ni Go sa concerned agencies at mismong sa Meralco na linawin sa publiko ang dahilan ng pagtaas ng electricity rates sa mga nakalipas na buwan, kabilang ang reflected amount sa June billings, gayong hindi naman aktuwal na nakapag-reading ang kompanya habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang maraming lugar.

“Maraming mga reklamo hinggil sa mataas na electricity bill na natanggap ng consumers. Kailangan ipaintindi nang maayos ang pinagbasehan nito. Importanteng masiguro na tama at patas ang aplikasyon nito para hindi dumagdag sa pinapasan ng ating mga kababayan,” ayon sa senador.

Sa kanya namang pahayag, sinabi ni ERC chair Agnes Devanadera na “We have been bombarded with complaints on Meralco’s alleged high billings covering the past three months, including this May. (W)e need to look into these consumers’ allegations (and so) we required Meralco to submit to us data or information for us to validate the accuracy of their billing calculations.”

Iginiit ng senador sa ERC na masusing siyasatin ang isyu at tiyaking nasa tamang presyo ang sinisingil sa consumers na ngayo'y nahaharap sa krisis sanhi ng pandemya.

“Naghihirap na ang mga Pilipino at marami nang nagkakasakit, dadagdagan pa ng sakit sa ulo dahil sa pag-intindi ng hindi klarong mga patakaran ukol sa bayarin,” idiniin ni Go.

Kinikilala naman ni Go ang ginagawang pagsisikap ng Meralco na maipaliwanag ang dahilan ng pagtaas ng electricity bills pero dapat ay klaruhin at tiyakin sa konsyumer na wala itong overcharging.

“Siguraduhin po natin na naaayon sa batas ang patakarang sinusunod ng Meralco. At kung may mali, itama dapat nila sa lalong madaling panahon. Huwag ninyong palampasin kung may mali. Dapat gawan ng corrective measures o adjustments sa billing kaagad,” ayon sa mambabatas.

Sa panahon ngayon, sinabi ni Go na hindi dapat ang kita ng mga negosyo ang unahin kundi ang pangkalahatang kapakanan ng publiko.

Umaasa siya na hindi ito kukunsintihin ng gobyerno habang ang mamamayana ay nasa gitna ng paghihirap sanhi ng krisis.

“Nananawagan din ako sa Meralco na ipaliwanag nang maayos sa simpleng paraan at ibigay ang kumpletong impormasyon upang maintindihan ng mga tao. Huwag baliwalain ang mga reklamo, pakinggan niyo ang hinaing ng ordinaryong mamamayan. Tulungan po natin sila at pangalagaan ang kapakanan ng mga bumuhay sa inyong negosyo,” dagdag niya.

Hiniling ni Go sa power companies, lalo sa Meralco na huwag na huwag mamumutol ng koryente ng konsyumer sakaling hindi pa sila makabayad.

“Samantala, habang inaayos ang isyung ito, nananawagan din ako na kung maaari ay walang maputulan ng koryente. Magmalasakit po tayo sa mga kababayan nating naghihirap ngayon. Tulungan ninyo at huwag mas pahirapan pa,” ang pakiusap ng senador.

Siniguro naman ni DOE Secretary Alfonso Cusi na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa ERC at sa Meralco sa pagmo-monitor ng mga developments para matiyak na mapoprotektahan ang consumers.