Home>News>Nation>Go sa NBI: Anyare sa ‘Pastillas’ investigation?

Go sa NBI: Anyare sa ‘Pastillas’ investigation?

KINALAMPAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang National Bureau of Investigation na magtrabaho ng ‘double time’ sa isinasagawang imbestigasyon sa talamak na katiwalian sa Bureau of Immigration, partikular sa tinatawag na “pastillas scheme“.

Ayon kay Go, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay hinihintay na rin ang resulta ng imbestigasyon sa ‘pastillas scheme’ lalo’t pakay ng administration na mabura na ang sistematikong kurakutan sa pamahalaan.

Sa NBI po, please work double time sa inyong imbestigasyon. Naghihintay na po ang ating mahal na Pangulo at nakahanda na po ‘yung pastillas na ipapakain niya po sa mga sangkot,” ani Go.

Parati niya pong tinatanong sa akin, sino ba ‘yung mga sangkot? Gusto nating malaman, sino ba talaga ‘yung totoong sangkot dito. At itong pastillas na ito ay hindi po ito ganoon katamis at sigurado po akong mahirap lunukin ang pastillas na ito,” aniya pa.

Nanawagan ang senador sa mga pinuno ng bawat ahensiya at departamento ng gobyernona linisin ang kanilang hanay sa “systemic corruption” para maisaayos ang pagsisilbi sa mga tao.

Let us not be afraid to investigate, prosecute, audit, lifestyle check, and put in jail those who must account for their transgressions. […] Nakiusap ako na hanapin ang tunay na may sala at lahat ng involved sa scheme na ito at panagutin. It has been dragging already. Kailangan pong malaman na po ng taumbayan kung ano ba talaga ang puno’t dulo dito, at sino ba ang mga may kasalanan,” iginiit ni Go.

Naniniwala naman ang senador na marami pa rin namang matitino at malilinis kawani sa BI kaya hiniling niya kay Commissioner Jaime Morente na linisin ang hanay nito.

Nandiyan rin po si Commissioner Jaime Morente, I’m challenging you na linisin mo po ang hanay o ‘yung opisina dahil mataas po ang expectation ng mahal na Pangulo sa ’yo, kaya ka po nilagay diyan,” ani Go.

Anang senador, kinakailangang matumbok kung sino-sino ang mga sangkot at utak sa katiwalian o sa “pastillas scheme” sa BI.

Dismayado siya dahil sa kabila na naibigay na augmentation pay sa immigration employees ay nagpapatuloy ang katiwalian sa kawanihan.

Nakalulungkot na hindi pa pala sapat ang tulong namin ni Pangulong Duterte noon para mabigyan kayo ng augmentation pay noong mawala ang inyong express lane pay. Ito pa pala ang nag-udyok sa inyo na pumasok sa kalokohan at wala pong ano mang dahilan na pumasok sa korapsyon dahil talagang galit kami ni Pangulo sa korapsyon,” sabi ni Go.