Home>News>Nation>Go: Serbisyo ng PhilHealth ituloy

Go: Serbisyo ng PhilHealth ituloy

Bong Go

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat magtuloy-tuloy ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation President sa kabila ng kontrobersiya ng katiwalian at pagbibitiw ni CEO Ricardo Morales.

Ayon kay Go, nagpapatuloy rin naman ang pagsisikap ng Duterte administration na linisin ang sistematikong korapsyon sa pamahalaan, partikukar na sa PhilHealth.

Aniya, ang sinomang opisyal na dawit sa mga anomalya ay dapat na suspendihin para maprotektahan ang integridad ng isinasagawang pagsisiyasat at ang mapatutunayang nagnanakaw ng salaping bayan ay dapat na maparusahan.

“Walang katapusan ang hearing namin sa Senado, may mga reported corruption sa baba. Tingin ko, nasa baba talaga at di nakikita ng mga nasa taas ang ginagawang palusot sa baba so dapat masuspinde sila, maiimbestigahan, makasuhan, lifestyle check, put them in jail, ‘yun po ang importante dun, at suspindihin talaga para di na sila makagalaw. Pilayan talaga,” ani Go.

Sa kasalukuyan ay magkatuwang ang NBI Task Force – PhilHealth at ang Task Force ng Department of Justice sa isinasagawang imbestigasyon.

Isusumite sa inter-agency panel sa pamumuno ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang resulta ng imbestigasyon para sa panukalang legal actions kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“’Yan rin ang ginagawa na ngayon ng Ombudsman. Meron nang task force na ginawa ang Pangulo. Kasama na rito na tumutulong ang Ombudsman and Commission on Audit. Papanagutin sila, kukwentahin ang nasayang na pera ng gobyerno. Uulitin ko, wala dapat masayang na pondo ng gobyerno lalo na ngayon na naghihirap ang ating bayan sa krisis na ito, ibalik natin ang pera ng tao sa kanila,” ani Go.

Kaugnay nito, sinabi ni Go na may mga naiisip nang ipalit ang President kay Morales na pormal nang nagbitiw noong Miyerkoles sa payo na rin ng Pangulo.

“Nagkausap kami ni Pangulong Duterte kaninang madaling araw. Mayroon nang nasa radar niya, pinag-iisipan na niyang mabuti. He will decide by Monday kung kanya na pong pipiliin itong taong ito na papalit kay Gen. Morales. Kailangan na rin talagang magkaroon ng kapalit para tuloy tuloy ang serbisyo ng PhilHealth. Hindi po ma-hamper o maantala ang serbisyo para sa tao,” ani Go.