Home>News>Nation>Go suportado ang Internet Transactions Act vs red tape

Go suportado ang Internet Transactions Act vs red tape

Bong Go
Senator Christopher “Bong” Go

SINUSUPORTAHAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasa ng Senate Bill No. 1591, mas kilala bilang Internet Transactions Act, na layong palakasin ang potensiyal ng e-commerce sector sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng ekonomiya kung mawawala ang red tape.

Ayon kay Sen. Go, ang panukalang batas na iniakda nina Senators Sherwin Gatchalian at Nancy Binay ay lilikha ng E-Commerce Bureau na siyang mamamahala at magpo-promote sa e-commerce sector at magtataguyod din sa karapatan ng kapwa consumers at may-ari ng negosyo na gumagamit ng online transactions. Layon din ng batas na mabigyan ng tax exemption ang local at national taxes para sa mga bagong rehistrong micro-businesses sa e-commerce.

“Protektahan po natin ang ating mga maliliit na negosyo at ating mga online sellers na ang gusto lamang ay maghanapbuhay para sa kanilang mga pamilya, lalong-lalo na po ngayong panahong ito,” ani Go sa pampublikong pagdinig ng Senate committee on trade, commerce and Eetrepreneurship.

“It is my position that the Internet Transactions Act will complement the bill I filed, namely Senate Bill No. 1738, or the E-Governance Act of 2020, which mandates the government to establish an integrated, interconnected, and interoperable information and resource-sharing and communications network, which spans the entirety of the national and local government,” dagdag ni Go.

Noong Hulyo 27, naghain si Go ng SBN 1738 na layong pabilisin, gawing episyente, epektibo at bawasan ang red tape sa pagseserbisyo sa publiko.

Aniya, ang red tape sa national at local government ang nagpapabagal sa kakayahan ng mga maliliit na negosyo na lumago at makalikha ng trabaho.

Nais ni Go na gamitin ang information and communication technologies na paraan ng paghahatid ng serbisyo at impormasyon sa publiko anomang oras, sa pamamagitan ng kahit anong platform o device.

Ang nasabing panukala ang magtatatag ng Integrated Government Network, isang digital and electronic platform na magsisilbing pangunahing ahensiya sa sharing and communicating data, information at resources ng gobyerno.

Ang IGN ang magsisilbing primary at focal information management tool and communications network ng gobyerno.

“As we prepare for the ‘new normal’, the transition to e-governance becomes crucial, particularly the digitalizing of government processes which will help e-commerce businesses in their registration and compliance with the government’s permit and requirements,” anang senador.

“Ito po ‘yung gusto nating mangyari—na mabawasan po ‘yung red tape at pinapatulog pa ‘yung mga dokumento. Mas mahihirapan po ang ating mga kababayan, lalong-lalo na po’t panahon ng pandemya,” ani pa ni Go.