Home>News>Nation>Go: ‘Task Force Rolly’ itatag para ibangon mga nasalanta ng bagyo

Go: ‘Task Force Rolly’ itatag para ibangon mga nasalanta ng bagyo

Bong GoINIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na hihimukin niya si Pangulong Rodrigo Duterte na magbuo ng isang task force na itutuon ang oras sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga probinsiyang sinalanta ng Super Typhoon Rolly.

Sa panayam matapos pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga residente ng Bato at Virac sa Catanduanes na lubhang sinalanta ng bagyo, sinabi ni Sen. Go na nagkausap na sila ni National Housing Authority General Manager Marcelino P. Escalada, Jr. para sa pagbubuo ng Task Force Rolly.

Isa-suggest ko kay Pangulong Duterte, and I have discussed with General Manager Escalada of the NHA, na tulad po ng ginawa nila sa Yolanda na magkaroon ng task force for rehabilitation, gumawa rin tayo ng Task Force Rolly kasi di naman po Catanduanes lang ang tinamaan dito,” ani Go.

Importante po dito well-coordinated naman lahat ng agencies ng gobyerno para po ma-restore (to) normalcy po, not only Catanduanes, kasama na rin ang iba pang probinsyang tinamaan ng bagyo,” dagdag ni Go.

Noong November 1, 2020, nagdala ng malakas na hangin at ulan ang Super Typhoon Rolly na nagdulot ng mudslides at storm sa malaking bahagi ng Luzon.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council at Department of Social Welfare and Development, ang super bagyo ay nakaapekto sa may 1.9 milyong Filipino. Umaabot naman sa 845,000 katao ang nangangailangan ng kagyat na ayuda.

Sinabi ng senador na muli niyang ipinaalala sa Pangulo ang rekomendasyon niya na maglabas ng karagdagang calamity funds para makatulong sa local government units sa kanilang recovery efforts.

Kadalasan po sa LGUs, ubos po ang kanilang pera kaya po nag-suggest ako na mabigyan sila ng konting replenishment of their calamity fund. Malaking tulong na po yan para sa rehabilitation at sa mga tao,” ani Go.

Sinabi rin niya na nakipag-usap na siya kay Budget and Management Secretary Wendel Avisado kaugnay ng kanyang rekomendasyon.

Bago kami pumunta dito, nagkausap na kami ni Sec. Avisado. Hihingi lang kami ng approval kay Presidente, ‘yun pong aking recommendation na maglaan ng 1% po para sa budget,” sabi ng senador.

Kasi po ang 5% ng calamity funds ngayon ay ubos na po. Nagamit na po (laban sa COVID-19) because we’re under the state of national emergency right now,” aniya.

Bukod dito, idinagdag niyang ang kanyang opisina, katuwang ang ilang government agencies ay agad na nagbigay ng iba’t ibang tulong sa typhoon victims.

Tuloy tuloy po ang aking opisina, opisina ni Pangulo at iba’t ibang agencies na umiikot sa Kabikulan. Kung sino ang tinamaan ng bagyo, iikutin po namin para magbigay tulong sa abot ng aming makakaya,” ayon pa sa mambabatas.

Tinatayang 2,849 apektadong pamilya ang nabibiyayaan ng ayuda mula sa tangggapan ni Sen. Go sa isinagawang distribution activity sa Bato Central Elementary School.

Ang Department of Health ay namahagi naman ng hygiene kits, collapsible water drinking containers at mga gamot habang sinisikap ng mga tauhan ng Department of Energy ang elektrisidad sa probinsiya.

Sa mga taga-Catanduanes, ingat kayo. May parating na naman na bagyo, sumunod kayo sa health protocols, social distancing, wear your masks po at face shield at kung ‘di kailangan, ‘wag muna lumabas ng pamamahay,” aniya.

Matapos bumisita sa Bato, tumuloy ang grupo ng senador sa Virac at muling namahagi ng iba’t ibang tulong.