Home>News>Nation>Grab driver tiklo sa shabu

Grab driver tiklo sa shabu

SA kulungan ang bagsak ng isang Grab driver matapos mahulihan ng shabu sa ikinasang buy-bust sa Bgy. Commonwealth, Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang naarestong Grab driver na si Lucman Manamparan, 43, residente sa Quiapo, Manila.

Sa report ni Batasan Police Station (PS 6) commander, PLt. Col. Romulus Gadaoni, isinailalim sa surveillance ang suspek at nang makumpirma ang iligal na gawain nito ay saka sila nagkasa ng buy-bust laban sa nasabing Grab driver.

Bandang 11 p.m. ng December 18 nang isagawa ang drug bust laban kay Manamparan sa Commonwealth Ave., malalpit sa Kasunduan St., Bgy. Commonwealth, QC.

Isang pulis ang tumayong buyer at habang iniaabot ang P11,000 kabayaran sa inorder na shabu ay nakatunog ang Grab driver na parak ang kaniyang ka-transakyon kaya mabilis na pinasibad ang kaniyang motorsiklo habang binabaril ang mga operatiba na humabol sa kaniya.

Nakorner at naaresto ang suspek sa kahabaan ng Commonwealth at nasamsam sa kanya ang 12.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P85, 000, dalawang cellular phone, pulang Sedan Hyundai Accent (K1E230), at caliber .38 revolver na may lamang mga bala.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act na isasampa laban sa Grab driver.

Publication Source :    People's Tonight