Home>News>Nation>Grupo humingi ng pruweba na walang illegal log sa Isabela

Grupo humingi ng pruweba na walang illegal log sa Isabela

HINAMON ng isang grupo si Isabela Gov. Rodolfo Albano III na magbigay ng datos na walang illegal logging sa lalawigan na siyang posibleng naging dahilan ng malawakang pagbaha doon kamakailan.

Ganito ang pahayag ni Alyansa Tigil Muna(ATM) National Coordinator Jaybee Garganera nang itanggi umano ni Albano na mayroong illegal logging at mining sa Isabela matapos namang aminin ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na mayroon pa ring illegal logging at mining activities sa Cagayan na pinoprotektahan pa ng mga tiwaling mayor.

Wala man silang hawak ngayong aktuwal na ebidensiya, sinabi ni Garganera na mayroon umanong mga reklamo kaugnay sa hindi natitigil na illegal mining at logging sa Isabela.

Kung magkakaroon lamang ng aerial survey katulad ng ginagawa noon ni dating Environment Sec. Gina Lopez, sinabi ni Garganera na makikita ang sinasabing massive deforestation at presensya umano ng heavy equipment na nagsasagawa ng quarrying at mining sa Isabela at Cagayan.

Kahit sinasabi nilang wala ay kabaligtaran ito dahil mayroon naman talaga [illegal logging at mining]. Ang problema sa illegal mining, quarrying at logging, magkakaugnay para makapag-operate at kailangan na magputol ng puno at ‘yan ang nangyayari,” pahayag ni Garganera.

Sinabi ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) President Danilo Ramos na nakalulusot pa rin umano ang illegal loggers at miners dahil sa pagkunsinti ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Ramos na dapat imbestigahan ng Departments of Environment and Natural Resources (DENR) at Interior and Local Government (DILG) ang mga pahayag na walang illegal logging at mining dahil maaaring mayroon umanong takipang nangyayari sa naganap na malawakang pagbaha .

Inamin ni Mamba na mayroong ilang yumamang mga alkalde na hindi nito pinangalanan ang kasabwat ng uniformed personnel sa umano’y illegal logging sa Cagayan.

Ayon sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), ilang mga bayan sa Cagayan ang nananatiling illegal logging hotspot zone ng lalawigan.

Naunang inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng lapses sa enforcement kaya hindi napipiglan ang illegal mining at logging activities sa Isabela at Cagayan.

Sinabi ni Roque na may mga mananagot sa mga illegal na gawain kaugnay sa naganap na pagbaha sa oras na matapos ang imbestigasyong isinasagawa ng DENR at ni Interior Sec. Eduardo Año.

Sinabi ni Año na dapat nang magsilbing wake-up call sa bawat isa ang nangyari sa Cagayan at Isabela upang seryosohin ang paghahalal ng mga lider sa bansa.

Our citizens need to learn and vote for those who are serious and have no connections to anything illegal. We need to pick, otherwise we would be experiencing these things over and over again,” pahayag ni Año.

Kabilang ang pamilyang Albano at Dy sa mga kilalang politiko na matagal nang naglilingkod sa Isabela bilang mga mambabatas at maging sa iba’t-ibang mga puwesto sa provincial government.