Hindi sagot ang Reserved Officers Training Corps revival, National Service Training Program palakasin -- Senador Bam

November 27, 2018

ISUSULONG ni Senador Bam Aquino ang reporma at pagpapalakas sa National Service Training Program o NSTP sa halip na ibalik ang Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa Grade 11 at Grade 12.

Ayon kay Senador Bam, maganda ang layunin ng NSTP nang ipatupad ito sa ilalim ng Republic Act 9163 noong taong 2000 dahil inoobliga rin ng estado ang mga college students, babae man o lalaki, na sumailalim sa tatlong programa na puwede nilang pagpilian para makatulong sa bayan.

Sa ilalim ng NSTP, sinabi ni Sen. Bam na puwedeng pumili ang mga estudyante sa Civil Welfare Training Services para sa social services, literacy training services para magturo sa mga out of school youth at ROTC para sa disaster at emergency responses.

Binigyang-diin ni Sen. Bam na hindi naman kailangan ituro ang pagiging makabayan dahil kapag dumating ang sandaling “sasakupin” o guguluhin tayo ng ibang bansa ay awtomatiko sa mga Pilipino na makikipaglaban para sa kanyang bansa.

Naniniwala rin si Sen. Bam na hindi na rin kailangan pa ng panibagong batas para mahikayat ang volunteerism dahil ang kultura ng mayorya ng mga mamamayan ay handang tumulong sa mga panahon ng kalamidad kapag kailangan.

Bagama’t importanteng bahagi ang pagsasanay na humawak ng armas sa ROTC, hindi pa rin nito magagarantiya na magiging dalubhasa ang graduates dito dahil maikli at basic training naman ang ibinibigay sa kanila.

Bukod dito, sinabi ni Sen. Bam makailang-ulit na ring napatunayan na nagagamit pa ang ROTC sa pang-aabuso ng mga instructor at madalas ding maging mitsa ng korapsiyon.

Nagsumite si Sen. Bam ng resolusyon noong Hulyo 2017 para imbestigahan ang pagpapatupad ng NSTP Law at kung paano ito mapapalakas at mapapaganda.

Kaugnay nito, sinabi rin ng senador na aprubado na sa Senado ang Senate Bill 1607 na nagtatakda ng employment rights sa mga reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang na ang retiradong military servicemen at officers, na sumama sa Reserved Force. Hinihintay na lang ang Kamara na aprubahan ang panukalang ito para maisabatas bago matapos ang taon.

Ayon pa kay Senador Bam, kung aalagaan din ng estado ang employment rights ng mga retiradong military o police servicemen ay mas maaasahan ang mga ito kapag tinawag ng estado para depensahan ang bansa laban sa panlabas na puwersa.