Home>News>Nation>‘Holiday lockdown’ fake news’ — Go

‘Holiday lockdown’ fake news’ — Go

NAGBABALA si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko hinggil sa mga lumalabas na impormasyon sa social media na magpapatupad ang pamahalaan ng nationwide lockdown ngayong Kapaskuhan sa pagsasabing ito ay isang “fake news”.

Ipinayo ni Go sa lahat ng Filipino na huwag agad-agad maniniwala sa mga balitang mula sa hindi beripikadong source upang hindi sila malito.

“Sa mga kababayan ko, ‘wag kayo maniwala sa sinasabing lockdown na fake news. Makinig lang kayo sa mga authorized sa gobyerno, sa mga authorized spokes(persons) po kung kelan at ano po ang ating quarantine classification,” ani Go.

Binatikos ng senador ang mga indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon sa pagsasasbing “ang nagpapakalat ng fake lockdown, i-lockdown n’yo muna ang sariling bunganga n’yo. ‘Di kayo nakakatulong.”

Sinabi naman ni National Task Force on COVID-19 (NTF) spokesperson retired Gen. Restituto Padilla sa publiko na magberipika lamang sa mga pinagkakatiwalaang organisasyon kapag may mga kahalintulad na ulat.

Nauna nang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang sinasabing muling paghihigpit o pagpapatupad ng lockdown sa Christmas season ay isang “fake news”.