Home>News>Nation>House supermajority muling binuo, pinalakas

House supermajority muling binuo, pinalakas

Lord Alan Velasco and Martin Romualdez
HOUSE NEW SECRETARY GENERAL --- House Speaker Lord Alan Velasco (left) assisted by House Majority Leader and Leyte Rep. Martin Romualdez (2nd left), Deputy Speaker Michael Romero (3rd left) and Ako Bicol Party List Rep. Alfredo Garbin Jr (right partly hidden) administered the oath taking of Mark Leandro Mendoza (2nd right) as new Secretary General of the House of Representatives Wednesday night.Mendoza replaces former Sec.Gen Atty.Josella Bighani-Sipin who resigned her position.photo by Ver Noveno

MULING binuo at pinalakas ni Speaker Lord Allan Velasco ang nagkawatak-watak na supermajority sa Kamara de Representantes.

Sinabi nina Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers at Deputy Speaker at 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero na 275 kongresista na ang nagpahayag ng suporta kay Velasco matapos mag-miting ang mga lider ng bawat partido nitong nakalipas na Martes.

Dahil dito 22 na lamang ang nasa minorya at tatlo naman ang independent.

Ayon kay Romero, nangako din ang mga kongresista ng agarang pagpasa ng priority measures ng administrasyong Duterte.

Kasama sa miting ay ang mga lider ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) sa pangunguna ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Liberal Party (LP), National Unity Party (NUP) at ang Party-List Coalition.

“The objective of the Speaker is to unite the House and move forward.

We agreed to prioritize and expedite the legislative agenda of the President,” ani Romero, ang namumuno sa party-list bloc na may 54 na miyembro.

Kasama sa mga priority measures ng Pangulo ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises or CREATE Act, Financial Institutions Strategic Transfer or FIST Act, Rural Agricultural and Fisheries Development Financing System Act, at ang panukalang bubuo sa Department of Overseas Filipinos.

“We also agreed to legislate more COVID-19 measures to help our Filipino citizenry survive and recover from the pandemic,” paliwanag ni Romero.

Sa panig naman ni Barbers, lider ng NP, nangako sila na tatapusin sa takdang panahon ang bicameral conference committee report sa panukalang pambansang budget para siguraduhin na mapipirmahan ito ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte bago matapos ang 2020.

Sinabi ni Barbers na napagusapan din sa miting ang pagkakaroon ng pagbabago sa miyembro ng Commission on Appointments (CA) at ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

“It was also an opportunity for leaders and representatives of political parties and blocs to bond under the new leadership,” ani Barbers.

Publication Source :    People's Tonight