Home>News>Nation>HS student patay sa hazing

HS student patay sa hazing

ISANG senior high school student ang nasawi sa isinagawang hazing nitong Linggo ng umaga sa Bgy. San Jose Gusu, Zamboanga City.

Ang biktima ay nakilalang si Joselito Fernandez Envidiado, 15, estudyante ng Zamboanga City High School West.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 9 spokesman Police Major Yashier Sarikin, ang biktima ay nasawi habang ginagamot sa Zamboanga City Medical Center.

Nagtamo umano ang biktima ng mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil sa isinagawang initiation ng fraternity.

Kaugnay nito, sinabi ni Sarikin na naaresto ng pulisya nitong linggo si Marcelino Elmido Vinas Jr., 28, master initiator ng Tau Gamma Phi fraternity, na siyang nagdala sa nasabing ospital sa biktima.

Sa himpilan ng pulisya, pinangalanan ni Vinas ang kanyang mga kasamahan na sangkot sa naturang hazing.

Kabilang sa mga ito sina Ruben Rizada Sebastian, Roldan Misal Paler, 28; John Dale Ong Bulalacad, 22; Eryan Viola Alabata, 20; Xavierwyn Rizada Sebastian, 19; Cleven Tumazar Atis, 27; Fidel Bellamayor Cubol, 27; at Azis Rojas Camlian, 20.

Ang mga suspect ay isa-isang nadakip nitong linggo ng hapon.

Napag-alaman pa na ang initiation rites ay isinagawa sa bahay ni Cubol sa Barangay San Jose Gusu kung saan nakuha ang paddle na ginamit sa hazing na nakabalot pa sa sako.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.

Publication Source :    People's Tonight
Zaida I. Delos Reyes
Native of Pampanga, resident of SJDM, Bulacan