Home>News>Nation>Imee: Bantay sarado na kami, Meralco

Imee: Bantay sarado na kami, Meralco

Imee Marcos

Pagpapataw ng multa sa bill shock, makatwiran

NAPABILIB at pinasalamatan ni Senador Imee Marcos si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera sa pagpapanagot at planong pagmultahin ang Meralco dahil sa kalituhang idinulot ng “bill shock” o paglobo ng bayarin sa kuryente noong kasagsagan ng lockdown dulot ng Covid-19 pandemic.

Binigyang diin ni Marcos na malaking hakbang ito ng ERC para matauhan ang Meralco na may nakabantay sa kanila at di nauubra ang anumang tangka nitong pang-aabuso sa mga konsumer lalo na kapag naulit ang electric shock na singil.

“Bow, manang chair Agnes! Sana matauhan na ang Meralco na nakabantay ang ERC at lahat ng mga konsumer sa billing nila at lalo pa silang mapa-fine kapag naulit yang electric shock na singil. Tama ang ERC, ‘chaos and confusion’ nga ang dinulot nila sa lahat,” diin ni Marcos.

Ikinatuwa ni Marcos ang pakikinig ng ERC sa daing ng taumbayan na naghihikahos, mga nawalan ng trabaho, walang makain dahil sa mga lockdown, na nadale pa ng nakagugulat na tripleng bayarin sa kuryente nang walang basehan kundi dahil lang sa estimated bills noong Abril at Mayo.

“Inaksyunan na rin niya sa wakas at hindi nagbibingi-bingihan ang ERC sa reklamo ng ating mga kababayan na dagdag-pahirap na bayarin sa kuryente. Natutuwa ako na kahit paano eh, gagaan ang pasanin ng ating mga kababayan dahil malinaw na may nalabag na batas ang Meralco,” ani Marcos.

“Suportado ko rin ang desisyon ng ERC sa utos nito sa Meralco na bigyang dagdag diskwento ang mga lifeline user o yung mga kumokonsumo ng hanggang 100 kilowatt hours ng kuryente kada buwan. Makakahinga na ng maluwag ang ating mga kababayan dahil hindi mapapayagang magpatuloy ang pag-abuso o kanilang pagsasamantala, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya,” dagdag pa ni Marcos.

Una nang ginulat ng Meralco at maraming konsumer ang pumalag sa triple nitong paniningil sa kuryente kung saan ang iba’y nasa P50,000 at P100,000 gayong hindi naman nagkaroon ng aktuwal na meter reading.

Nagkakahalaga ng P19 million ang multang pinababayaran ng ERC sa Meralco sa nasabing “bill shock”.