Home>News>Nation>Ina, 75, ng NPC prexy at PT columnist na-Budol Budol

Ina, 75, ng NPC prexy at PT columnist na-Budol Budol

Budol Budol
Ang papel na nakabilot na ginamit ng Budong Budol Gang. Kuha ni GIL AMAN

NAGLAHONG parang bula ang P13,000 ng ina ni National Press Club president at People’s Tonight columnist Paul Gutierrez matapos mabiktima ng Budol Budol Gang Martes ng umaga sa San Pablo City.

Ang biktima ay nakilalang si Liwayway Gutierrez, 75, ng Bgy. Pook, San Pablo City, Laguna.

Ayon sa isinagawang pahayag ni Lola Liwayway, pasado 9 a.m. ng magtungo ito sa Western Union sakop ng Bgy. V-C para magpadala ng pera sa kanyang kaanak na nasa ibang bansa.

Sinasabing aktong papatawid ang biktima sa kalye ng salubungin ito ng isang lalaki na nagkunwari na sila ay magkakilala kasunod ang dalawa pa na isang babae at lalaki na kasamahan nito.

Kahalintulad din ng isinasagawang modus operandi ng Budol Budol Gang, humingi ng tulong ang mga suspek para makabili ng piyesa ng kanilang sasakyan bago pinakitaan ang biktima ng pekeng pera.

Sa loob ng kanilang bagong sasakyan na SUV na kulay silver, nakumbinse ng mga suspek ang biktima na sumakay patungo sa kabayanan.

Nagpakilalang pulis ang tsuper ng SUV habang ang isa naman ay negosyanteng Intsik. Ang isang babae ay nagpakilalang sales representative ng isang kompanya kabilang ang dalawa pa na may mga negosyo umanong bigas.

Matapos mabola at mabilog ng mga suspek ang biktima na hinihinalang na-hypnotise habang nakahimpil ang kanilang sasakyan, binigyan umano ito ng malaking pera ng Intsik bilang bahagi aniya ng kanilang kapalaran o suwerte bukod pa sa offer nila na bibigyan pa ito ng ilang sakong bigas.

Nauwi sa pagtatanong kung magkano ang dalang pera ng biktima na hinikayat na dapat pagsama-samahin sa isang supot ang kanilang dala para sa kanilang inaasahang suwerte.

Inalam din ng mga suspek kung magkano ang pera nito sa bahay at mga alahas kung saan mapalad na tumanggi ang biktima.

Alam daw ng isa sa mga ito ang bahay ng biktima dahil taga San Pablo din aniya ito kaya ihahatid na lamang siya. Habang pabalik, sapilitang ibinaba nila ang biktima sa tapat ng Puregold hindi kalayuan sa kanilang tirahan at sinabing susunod na lamang ang mga ito habang bitbit ng matanda ang budol money na pinalitan ng isa sa suspek.

Sa kanilang tirahan, matagal naghintay ang biktima sa mga suspek. Napilitang buksan nito ang laman ng supot habang kaharap ang kanyang kaanak.

Tumambad sa mga ito ang mga pinagputol-putol na diyaryo na kasinglaki ng pera kasunod ang paghagulhol ng matanda dahil sa hindi inaasahang pangyayari sa kanya.

Kaugnay nito, agarang nagpa blotter ang biktima sa pulisya makaraan ang insidente. Samantala, wala pa rin aniyang pagkakakilanlan sa tumakas na Budol Budol Gang.

Panawagan naman ni Gutierrez sa pulisya na agarang maaresto ang naturang grupo na patuloy na namamayagpag sa kanilang masamang gawain kung saan karaniwang binibiktima ng mga ito ang mga senior citizens.

Publication Source :    People's Tonight