INC nagbigay agarang tulong

October 10, 2019

Sa mga sinalanta ng bagyo sa Bahamas.

BAHAGI ng mas pinalawak na paghahatid ng tulong sa iba’t-ibang panig ng mundo, ang Iglesia Ni Cristo sa pamamagitan ng marami nilang volunteers, lohistika, at mapagkukunan, ay agad na naghatid ng mahalagang tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Dorian sa Bahamas. Isinagawa ng INC ang kanilang aktibidad na Aid to Humanity sa Carribbean island noong ika-29 ng Setyembre 2019.

Ang Hurricane Dorian na nasa Category 5 ang bagyong tumama noong Setyembre 1 sa Bahamas kung saan may mga naitalang namatay at nag-iwan ng malaking pinsala sa mga bahay at ari-arian, na sa tantya ng local at international aid organizations ay mistula itong winasak ng digmaan.  

Tinatayang nasa 600 katao pa ang kasalukuyang nawawala at halos daang milyong dolyar ang naidulot nitong pinsala sa mga ari-arian.

“Sa ilalim ng pamumuno at inisyatibo ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo kaya mabilis naming naisagawa ang pagbibigay ng tulong at iba pang ayuda sa mahigit kumulang 3,000 katao na sinalanta ng bagyo,” pahayag ni INC Auditor General Glicerio B. Santos, Jr.

Ayon kay Santos, Jr., namahagi sila ng relief goods at care packages na naglalaman ng bigas, noodles at iba pang de-latang produkto gaya ng sardinas, tuna, corned beef, sausage at pasta. Tatlong libong (3,000) ready-to-eat packed meals din ang naipamigay sa mga apektado ng bagyo.

Ang Aid To Humanity drive, sa pamumuno ng Felix Y. Manalo Foundation ng INC, ay nagkaloob din ng karagdagan na tulong pinansiyal sa ilang indibidwal at mga institusyon na kinabibilangan nila Dr. Conville Samuel Brown ng Westminster College, Coastline Community Care Nursing Home, Ranfruly Home for Children, Good Samaritan Home, Home for Homeless, Filipino Community Organization, Public Hospitals Authority, at Persis Rogers Home for the Aged.

Matatandaan na nagkaloob din ng mahalagang tulong ang INC sa mga biktima ng Hurricane Sandy sa silangang baybayin ng Amerika noong 2012 sa pamamagitan ng donasyon na nagkakahalaga ng $150,000 para sa New York City Police Foundation, FDNY Foundation, Bellevue Hospital Center, at Coney Island Hospital.

Noong 2017, ang Felix Y. Manalo Foundation ay nagkasa rin ng isang malawakang Aid To Humanity pagkatapos na manalasa ng Hurricane Harvey sa Texas kung saan namigay rin ito ng mga groceries, mga gamit sa paglilinis at toiletries sa mga apektadong residente sa naturang lugar.

“Nang makarating sa aming kaalaman na kagyat na nangangailangan ng tulong at ayuda ang Bahamas, agad kaming kumilos. Kailangan naming maibsan ang pagdurusa ng mga biktima ng kalamidad,” paliwanag ng INC Auditor General.

“Hangad namin na makatulong sa mga nangangailangan, kahit saan mang sulok ng mundo, sa lalong madaling panahon at pinakamabilis na paraan. Ang Aid to Humanity ay bukas para sa lahat, kaanib man at hindi ng INC. Paraan ito ng INC upang makapaghatid ng agarang tulong sa mga tinatamaan ng natural na sakuna at iba pang uri ng kalamidad,” pagtatapos ni Santos, Jr.