Junjun Binay makatatakbo -- ex- Comelec chair

November 18, 2018
Junjun Binay

MULING iginiit ng batikang abogado ni dating Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. kahapon na ang dating punong lungsod ay makatatakbo para sa pwestong kanyang pinagsilbihan ng dalawang magkasunod na termino at pinabulaanan ang mga kumakalat na ‘hindi totoo at maling balita’ na diskwalipikado itong mahalal.

Iginiit pa ni Atty. Sixto Brillantes, na nagsilbing Comelec Chairman mula 2011 hanggang 2015, na “ang Comelec, hindi ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang magpapasya kung si Mayor Junjun ay makatatatakbo o hindi. Walang pakialam ang DILG dito. Kahit ang Comelec spokesperson ay naipaliwanag na na si Mayor Junjun ay hindi pinagbabawalang tumakbo.”

Ang tinutukoy ni Brillantes ay ang pahayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na tinanong sa isang panayam kamakailan lamang kung si Junjun Binay ay papayagang tumakbo bilang punong-lungsod ng Makati.

Sa paliwanag ni Jimenez, bagama’t ang isang pinal na desisyon ay maaaring pagbawalan ang isang indibidwal na kumandidato para sa isang pampublikong posisyon, “kapag may apela, o kung hindi pa pinal ang nasabing desisyon, nangangahulugan lamang na hindi ito pasok sa mga batayan ng diskwalipikasyon.”

Ayon kay Brillantes, “wala itong pinagkaiba sa kaso ni Mayor Junjun.”

Giit pa ni Brillantes, dahil nakaapela ang kaso ni Junjun Binay hindi ito maaaring gamitin upang pagbawalan ang dating Makati Mayor na kumandidato.

“Uulitin ko po, ang desisyon ng Office of the Ombudsman tungkol sa pagpapatayo ng Makati Science High School building ay kasalukuyang nakaapela at samakatuwid ay hindi ‘final and executory,’” ayon kay Brillantes.

“At batay sa atas ng Korte Suprema, tanging ang isang kapasyahang ‘final and executory’ lamang na may kaakibat na parusang ‘disqualification from holding public office’ ang maaaring magdiskwalipika  sa isang indibidwal mula sa pagtakbo para sa isang pampublikong posisyon sa ilalim ng Section 40 (b) ng Local Government Code,” dagdag pa ng iginagalang na abogado.

Malinaw umano ang mga desisyon ng hukuman sa usaping ito - mapipigilan lamang ng Comelec ang mga nahatulan ng “perpetual disqualification from holding public office” sa pagtakbo sa isang halalan kapag mayroon nang “final and executory judgement” laban sa mga ito.

Nang maghain si Junjun Binay ng kanyang certificate of candidacy bilang mayor ng Makati noong ika-16 ng Oktubre, kasama nito si Brillantes at ang kanyang nakatatandang kapatid na si United Nationalist Alliance (UNA) President Sen. Nancy Binay; ang nakababatang kapatid na si Anne; ang dating Chief of Staff ni Vice President Jejomar Binay na si Benjamin Martinez; at si UNA Secretary General Atty. JV Bautista.  

Ilang araw lamang matapos noon, Si Sen. Binay at si Atty. Bautista ay parehong lumiban mula sa kanilang posisyon sa UNA.